(BERNARD TAGUINOD)
HINDI na patatakbuhin at ididiskuwalipika sa pagtatrabaho sa gobyerno ang mga politikong maagang nangangampanya kapag naipasa ang panukalang batas laban sa mga tinatawag na “prospective candidates”.
Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 9656 na inakda ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa gitna ng maagang pangangampanya ng mga politikong nagbabalak tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa susunod na halalan.
“In the interest of fair play, our bill seeks to restore premature campaigning as an election offense by clearly defining who may be held liable, and when they may be held liable,” paliwanag ni Pimentel.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ipagbabawal na sa lahat ng mga politiko ang pangangampanya, 12 buwan bago ang aktuwal na kampanya, kapag naipasa ang nasabing panukala.
Kabilang sa ituturing na maagang pangangampanya ay pagtatayo ng organisasyon, asosasyon, club ng mga grupo na nagtutulak sa kandidatura ng isang pinapaborang politiko.
Hindi na rin papayagan ang mga ito na magpatawag ng political caucuses, conferences, meetings, rallies, parade at iba pang kahalintulad na aktibidad para sa propaganda ng isang ‘prospective candidate”.
Bawal din sa mga ‘prospective candidate” na magkaroon ng speeches, announcements, komentaryo, interviews laban sa ibang kandidato para ipakilala lang ang kanyang sarili.
Maging ang paglilimbag ng mga campaign literature ng mga politiko, pagsuporta sa mga prospective candidate o ng kanyang mga magiging kalaban sa pulitika ay hindi na rin papagayan kapag nagkataon.
“Under our bill, if a prospective candidate commits any of the prohibited acts and eventually decides to file a COC, he or she may be disqualified from running for or holding public office, or both,” ayon sa panukala ni Pimentel.
“Also under our bill, a person shall be considered as a candidate potentially liable for election offenses upon his or her filing of a COC,” dagdag sa nasabing panukala.
Sa ngayon ay 60 araw lang ang ibinigay na panahon para sa mga national candidate at 45 araw naman sa mga local candidate para mangampanya subalit karaniwang nangangampanya na ang mga ito, isang taon bago ang aktuwal na halalan.
Laging dinadahilan ng mga ito na hindi pa sila maituturing na candidate dahil hindi pa naghahain ng kanilang COC bagay na nais baguhin ni Pimentel sa nasabing panukala para maputol na umano ang ganitong gawain ng mga politiko.
196 