FFCCCII IKINATUWA HATOL SA 7 KIDNAPPING SUSPEK

IKINAGALAK ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ang guilty verdict laban sa pitong indibidwal na sangkot sa pagdukot sa isang 78-anyos na negosyante.

Ayon sa grupo, malaking hakbang ito tungo sa mas mabilis na pagpapatupad ng batas at pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa.

Pinuri ni FFCCCII President Victor Lim ang naging desisyon ng Quezon City court na magpataw ng reclusion perpetua nang walang parole sa mga akusado, siyam na buwan lamang matapos dukutin ang biktima noong Setyembre 2025.

“This conviction is a testament to what our nation can achieve when law enforcement and the justice system work in seamless coordination.”

Dagdag pa ni Lim, ipinakita ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) at Department of Justice (DOJ) na kayang maihatid ang hustisya nang mabilis at may katiyakan.

Nag-ugat ang kaso sa matagumpay na rescue operation sa biktima at pagkakaaresto sa 11 suspek, kabilang ang ilang dating miyembro ng militar.

Ayon kay Lim, nagpapadala ang hatol ng malinaw na mensahe sa mga sindikato at nakatutulong upang mabawasan ang pangamba ng mga dayuhan sa usapin ng seguridad.

“Every conviction like this chips away at perceptions of impunity that have cast a shadow over our global image,” ani Lim.

Ang FFCCCII, na kumakatawan sa mahigit 170 chambers of commerce sa buong bansa, ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga awtoridad, kabilang ang pagsuporta sa pagsasanay ng PNP-AKG sa wikang Chinese upang mapahusay ang komunikasyon sa mga operasyon.

Personal ding pinasalamatan ni Lim sina PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at ang DOJ sa mabilis na pag-usig sa kaso.

Sa kabila ng tagumpay, nanawagan si Lim sa mga awtoridad na ipagpatuloy ang maigting na kampanya laban sa krimen alinsunod sa direktiba nina President Ferdinand Marcos Jr. at DILG Secretary Jonvic Remulla.

“Hindi tayo dapat maging kampante sa tagumpay na ito. Dapat maging pamantayan na ang mabilis na proseso ng hudisyal,” pagtatapos ni Lim.

(JESSE RUIZ)

55

Related posts

Leave a Comment