RETIRADONG PULIS PATAY SA PAMANGKIN

CAVITE – Patay ang isang retiradong pulis nang pagbabarilin ng kanyang pamangkin habang nag-iinuman sa kanilang bahay sa bayan ng Kawit sa lalawigan nitong Martes ng madaling araw.

Isinugod sa Kalayaan Hospital ang biktimang si alyas “Reynaldo”, may asawa, isang retiradong pulis, ng Brgy. San Sebastian, Kawit, Cavite subalit idineklarang dead on arrival.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang pamangkin nito na si alyas “Edwin” na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa ulat, bandang ala-1:05 ng madaling araw nang mangyari ang insidente habang nag-iinuman ang dalawa kasama ang isa pang lalaki, sa kanilang bahay sa Brgy. San Sebastian ng naturang bayan.

Sa hindi nabatid na dahilan, tumayo umano ang biktima at nagtungo sa kanyang kotse ngunit sinundan ito ng kanyang pamangkin at walang sabi-sabing pinagbabaril.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung ano ang motibo sa pamamaril at upang madakip ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)

27

Related posts

Leave a Comment