PROBLEMANG TINAKPAN NG HOLIDAYS

DPA

Maraming problema ang pansamantalang nakalimutan ng mga tao dahil sa nagdaang Holiday Seasons nitong nagdaang Disyembre na hindi nasolusyunan ng pamahalaan.

Una dito ang presyo ng bigas na hindi pa rin bumababa sa P30 bawat kilo dahil naglalaro pa rin sa P32 kada kilo ang presyo ng bigas na may mababang kalidad at ang mga masasarap ay hanggang P58 pa rin ang presyo bawat kilo.

Noong binubuo pa lamang ang Rice Tariffication Law, ipinangako ng Kongreso na bababa ang presyo ng bigas kahit ang mga imported rice dahil papayagan ang liberalisasyon sa rice importation.

Pero sa nakikita nating laro ng rice importers, ibinebenta pa rin nila sa napakamahal na presyo ang bigas na inaangkat nila sa ibang bansa at hindi nangyari na maging ang ito ay ibebenta sa hindi tataas sa halagang P30 kada kilo.

Natakpan din ang reklamo ng mga magsasaka sa pambabarat sa kanilang mga ani simula nang ipatupad ang batas na ito noong Marso 2019  dahil biglang nanahimik ang gobyerno.

Mula sa dating P22 na bentahan ng palay ay naging P10 na lang ang bili  ng rice traders ang kanilang ani at walang ibang sinisisi dito kundi ang RTL.

Papaanong hindi babagsak ang presyo ng bigas eh bumaba ang presyo ng imported rice sa ating bansa dahil pinayagan ang rice importers na umangkat nang umangkat ng bigas na walang limitasyon?

Wala na rin tayong naririnig kung ano na ang nangyari sa ipinangakong P7,000 na Christmas bonus sa mga magsasaka na naapektuhan sa RTL. Naibigay ba ito o drawing lang?

Sa Abril at Mayo, mag-aani na naman ang mga magsasaka na hindi pa rin sumuko sa pagtatanim lalo na yung may mga puhunan pero wala pa rin tayong naririnig na paghahanda rito ng gobyerno.

Isa pa sa tila nakaligtaan ng mga tao dahil sa nagdaang Holiday season ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil hindi naman talaga bumaba ang halaga ng mga pagkain kahit pa sabihin ng gobyerno na bumaba sa 2.5% rate mula sa halos 6.8% noong Oktubre 2018.

Isa pang nakalimutan  ng mamamayan  dahil sa Christmas season ay ang problema sa trapik sa Metro Manila. Parang nilunok na lamang ng mga tao ang problema dahil batid nila na walang maibigay na solusyon ang pamahalaan.

Noon pa man, marami na ang problema ang mga mamamayan. Pero sana kumilos sila at hindi puro daldal lang at pagyayabang.

Nakalimutan man ng tao ang ilang problema ng bansa dahil sa holidays, pagdating ng halalan, sana maalala ng mamamayan ang mga nagpahirap sa kanila. (DPA / Bernard taguinod)

293

Related posts

Leave a Comment