PINAYUHAN ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang bagong liderato ng Department of Education na huwag nang ipaubaya sa Procurement Service ng Department of Budget and Management ang mga susunod na mga kailangang bilhin para sa kagawaran.
Ito ay upang hindi na maulit ang nangyaring iregularidad sa procurement ng mga laptop para sa mga guro na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.
“Well, ma-advice ko sa DepEd as an agency, dapat sila na ang bumili ng mga kagamitan nila dahil meron naman silang sariling Bids and Awards Committee at mas mabilis dahil pondo ko ito, diretso na ako sa supplier, diretso sa akin ang gamit, diretso ibibigay ko sa mga teachers,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa radyo.
Kasabay nito, iginiit ni Gatchalian na hindi makatarungan para sa mga guro ang mga inaming pagkakamali ng ilang dating opisyal ng DepEd ay maging ng PS-DBM sa procurement.
“Madalas kasi lumalabas doon honest mistake, pero itong honest mistake ang naging epekto nito 30,000 na mga teachers ang walang laptop. At ang 30,000 na binigyan naman ay mas mababang speed ang laptops nila. So parang sa akin mahirap tanggapin na dahil sa honest mistakes, maraming guro ang nawalan ng gamit nila sa pagtuturo,” diin ng senador.
Idinagdag pa ng senador na sa susunod na pagdinig sa sinasabing overpriced at outdated laptop, tutukuyin nila kung mayroon o kung sinu-sino ang nakinabang sa DepEd sa naturang kontrata.
Una nang iginiit ni Gatchalian na naniniwala siyang may sindikato sa PS-DBM na nagpapaikot sa kanilang mga procurement. (DANG SAMSON-GARCIA)
