PROTOCOL SA VACCINES PASS DI PA MALINAW

MILYONG katao na ang nakakumpleto ng 2 bakuna simula noong Marso 1 pero wala pang inilalabas ang Department of Health (DOH) na protocol hinggil sa vaccine pass na hawak ng mga tao na ebidensya na nabakunahan na sila.

Bawat Local Government Unit (LGUs) ay may sariling vaccine card para sa mga mamamayan nila na nabigyan na ng bakuna na nagpapatunay na sila ay nabakunahan na.

Mukhang may nakakalimot na naman sa DOH at maging sa Inter-agency task force (IATF) sa vaccine pass protocols dahil hanggang ngayon ay walang abiso kung magagamit pa ba ang mga vaccine card na ito para makabiyahe ang mga nabakunahan.

Marami ang nag-aakala na puwede nang bumiyahe ang mga meron ng vaccine pass pero dahil walang abiso sa mga nagpapatupad ng mga health protocols, baka hindi nila kilalanin yan. Alam niyo naman ang asal ng marami sa ating mga kababayang nagpapatupad ng batas.

Puwede na rin bang lumabas ang mga nabakunahan sa labas ng kanilang bahay o komunidad o bawal pa rin sa mga matatanda na magliwaliw at sino man ang lalabag sa batas ay huhulihin.

Siyempre dapat pa ring mag-ingat ang mga may bakuna na at sumunod pa rin sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at faceshield, laging ­maghugas ng kamay at siguraduhing sumusunod sa social distancing pero dapat linawin yan.

Yung mga nabakunahan ba kailangan pa ring sumailalim sa antigen test at swab test kapag pupunta sa mga governmet offices? Marami kasing tanggapan ng gobyerno ang nagpapatupad ng mandatory antigen test bago sila papasukin sa gusali.

Dahil wala pang inilalabas na protocols sa mga vaccines card pass, baka maging dahilan pa rin ng hindi pagkakaunawaan ng mga tao at mga nagpapatupad ng mga health protocols.

Kung dadaan kasi sa mga mahigpit na health protocols tulad ng mandatory swab test o antigen test ang mga taong nabakunahan na, bawal pa ring lumabas, bawal bumiyahe, ano pa’t binakunahan sila hindi ba?

Kaya para maging malinaw ang lahat at hindi maging ugat yan ng hindi pagkakaunawaan, baka puwedeng maglabas na ang DOH ng protocol sa vaccine pass na ‘yan.

Hindi puwedeng hindi magkalinawan dahil marami nang insidente na nauuwi sa madugong komprontasyon, pananakit, pang-aabuso ng mga otoridad sa kanilang kapangyarihan.

Baka kung kailan may ­mangyaring masama saka na lang kikilos na naman ang DOH para maglabas ng paglilinaw sa isang bagay tulad nitong vaccines card na nagpapatunay na may herd immunity na ang mga tao sa ­COVID-19 na ikinalat ng China.

Huwag naman sanang magteka-teka ang DOH officials at dapat inaanticipate ang lahat ng mga bagay para maiwasan ang isang pangyayari na ayaw na ayaw ng mga taong mangyari.

Nagteka-teka sila noon sa pagsasara ng boarder sa China dahil baka raw sumama ang loob ni Xi Jinping. Ngayon pinagdudusahan natin ang pagpapahalaga sa damdamin ng China kesa sa kalusugan ng sambayanang Filipino na naging dahilan kung bakit milyong-milyong tao ang nawalan ng trabaho, naghirap ang bayan at bumagsak ang ekonomiya ng bansa.

149

Related posts

Leave a Comment