DENR-NCR INUTIL SA PAGTUGON SA SUMBONG

NOONG nakaraang Huwebes, Mayo 13, 2021 may nagsumbong sa PUNA na may pinuputol na puno sa Pugong Ginto St., Agaurdiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Pati litrato ng puno na pinuputol ay ipinadala sa atin ng ating tagasubaybay.

Ang ginawa natin ay hinanap natin ang page ng Department of Environment and Natural Resources National Capital Region (DENR-NCR) at sinubukan nating imessage ito. Kasabay ng message natin nung Huwebes, ala-1:01 ng hapon sa DENR-NCR ang litrato ng puno na pinuputol sa pamamagitan ng chainsaw.

Ito ang reply, pero ang alam natin ay machine ang sumagot “Thanks for messaging us. We try to be responsible as possible. We’ll get back to you soon”.

Sa araw na yun, bandang alas-5:31 ng hapon, may nagmessege sa inyong lingkod at sinasabing “Sino po ang nagpapaputol at exact address?”.

Sa una pa lang ng message ko ay sinabi ko na ang address kung saan pinuputol ang puno.

Binanggit ko sa kanila na ang nagpapaputol ay ang asosasyon o samahan (AHON) ng magkakapitbahay sa nasabing address.

Ito uli ang kanilang message “Isang Makakalikasang Pagbati! Thanks for your message but we are not available right now. We’ll get back to you soon!”. “Salamat po. Papuntahan po natin tom…”, ayon pa sa message ng taga-DENR-NCR.

Sinagot natin siya “Wala na po kayong maaabutan na puno na nakatayo sa lugar na yan binanggit nyo na papuntahan nyo dahil naputol na po ang isa at isusunod pa ngayon ang isa”.

“Thanks for messaging us. We try to be as responsible as possible. We’ll get back to you soon”, yan uli ang message nila sa PUNA.

Ang ginawa natin ay nagpakilala na tayong media para aksyunan na ng DENR-NCR ang sumbong.

Kinabukasan Biyernes, dakong alas-3 ng hapon ay nagmessage uli ang kausap na nating tao sa DENR-NCR ito ang kanilang message “Sir, tinatanong po ng ating field officers ang contact number ninyo”.

Sinabi ko sa kanila na malayo ako sa area dahil iminessage lang sa akin yang pinuputol na kahoy.

“Hinihingi po ng ating field officers ang contact number ninyo at para sa coordination nila sa barangay”, message uli sa akin ng nagpakilalang si Chris Villarin ng Regional Strategic Communication and Initiatives Group ng DENR-NCR.

Ano naman ang kinalaman ko sa kanilang gagawing coordination sa Barangay? Trabaho ko ba yan? Hindi naman ako taga-Barangay.

Ini-relay ko na sa kanila ang sumbong ng ating tagasubaybay sa pinaputol na punong kahoy gusto pa ata nila ako pa ang gumawa ng kanilang trabaho. Sa madali’t sabi naputol ang dalawang punong kahoy na walang nagawa ang DENR-NCR.

Paging Presidential Anti-Crime Commissioner (PACC) chairman Greco Belgica, tama ba ang ginawa ng mga taga DENR-NCR?

Buti pa ang artificial white sand project sa Manila Bay na kahit ilang beses nang natabunan ng maruming buhangin ay pinipilit pa nilang ituloy kahit imposibleng magtatagumpay. Samantala ang puno na ating ini-relay sa kanila ay pinabayaan nilang maputol na walang permit sa kanila.

Ang mga tao na ito chairman Belgica ay dapat pa bang manatili sa kanilang trabaho sa gobyerno? Sayang kasi ang buwis mula sa taumbayan na ipasusuweldo sa kanila na wala namang pakinabang sa kanila ang mamamayan.

Ang pagputol ng punong kahoy na walang pahintulot sa DENR ay itinaturing din krimen dahil pinapatay nila ang kahoy base sa umiiral na batas ng bansa.

Pagkaganito kainutil ang mga tanggapan ng ating gobyerno dahil sa pagtugon sa sumbong sa kanila ay walang patutunguhan ang bansa natin.

Kaya hanggang ngayon ay hindi umuunlad ang bansa natin dahil paurong ang nangyayari sa halip na pasulong. Pakiramdam kasi nitong mga nasa gobyerno sila ang paglilingkuran ng taumbayan, buwisit!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

180

Related posts

Leave a Comment