INOOBSERBAHAN sa Chinese General Hospital ang isang pulis makaraang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo habang nagreresponde sa isang inuman sa Tondo, Manila noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Patrolman Layson Poquiz, nakatalaga sa Manila Police District-Hermosa Police Community Precinct, sakop ng Station 7.
Batay sa ulat ni P/Major Salvador Tangdol kay P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, station commander, alas-7:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Cavite St. at Rizal Avenue sa Tondo, sakop ng Brgy. 209.
Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang PCP hinggil sa isang grupong nag-iinuman kaya mabilis na nagresponde ang biktima at mga kasama niyang sina P/Ssgt. Raymond Ramos at P/Cpl. Noel Mapile
Binabaybay nila ang kahabaan ng Rizal Avenue ngunit pagsapit sa Cavite St. nang magulungan ng motorsiklo ng biktima ang maliit na bato nagresulta sa pagsemplang ng nasabing sasakyan.
Isinugod ng Blue Eagle Rescue, sa pangunguna ni Kagawad Conrado Mendoza, sa ospital ang biktimang malubhang nasugatan. (RENE CRISOSTOMO)
209 