HINIMOK ni Sen. Grace Poe ang mga public utility vehicle (PUV) drivers na samantalahin ang oportunidad na palawakin pa ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pamamagitan ng pakikilahok sa “Tsuper Iskolar Program”.
Ang programa ay maaari nang i-avail online.
Ipinaliwanag ni Poe na katulad ng maintenance sa mga sasakyan, may pangangailangan din para sa regular check-up sa kakayahan at awareness sa road safety ng mga driver.
Sa pamamagitan ng programa, mabibigyan ng sapat na training ang mga tsuper para sa mas ligtas na pagmamaneho.
Sinabi ni Poe na sa ilalim ng 2023 budget, naglaan sila ng P100 million para sa Tsuper Iskolar Program sa mga PUV drivers at dagdag na P100 million para sa “ExTsuperneur Program” na laan sa mga motoristang nais ng bagong kaalaman o kabuhayan.
Ang kurso para sa mga tsuper ay ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng Land Transportation Office at ng Technical Education Skills and Development Authority.
Ang entrepreneurship program naman ay nasa ilalim ng DOTr katuwang ang Department of Labor and Employment.
(DANG SAMSON-GARCIA)
