MULING naglabas ng paalala ang Department of Health-Calabarzon sa publiko na uminom ng maraming tubig at kumain ng mga prutas dahil sa matinding init na nararanasan sa bansa.
Ayon kay DOH4-A Regional Director Eduardo Janairo, “napakaimportante na ang katawan natin ay mabigyan ng sapat na tubig dahil binubuo ito ng 70 porsyento ng tubig at nababawasan ito kung tayo ay lumalabas, naglalaro at nagtatrabaho sa ilalim ng init ng araw sa pamamagitan ng pagpawis at pag-ihi.”
“Dahil sa sunod-sunod na mataas na temperatura na ang ating nararanasan, maaaring maharap sa peligro ang ating kalusugan lalo na kung direktang nasa ilalim ng sikat ng araw na maaaring maging sanhi ng heat stroke,” babala pa ng opisyal.
Pinayuhan din niya ang publiko na manatili sa loob ng bahay hindi lang para makaiwas sa banta ng COVID-19 kundi maging sa mga peligrong maaaring idulot ng matinding init.
“Hangga’t maari ay iwasan nating lumabas ng bahay mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon dahil ito ang pinakamainit na oras na makakapagdulot ng masamang epekto sa ating kalusugan,” aniya pa.
Ayon naman sa PAGASA, ang heat index ay inaasahang papalo sa 39°C hanggang 41°C sa susunod na tatlo hanggang apat na araw. (CYRILL QUILO)
441 