Rep. Nograles pinasalamatan si Duterte RIZALEÑO PANALO SA DAGDAG DISTRITO

PINASALAMATAN ni Rizal 2nd District Congressman Juan Fidel Nograles si Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong lagdaan ang Reapportionment Act na kanyang inakda upang hatiin sa tatlong distrito ang kanyang lugar na kinakatawan sa Kamara.

“Sa ngalan ng mga residente ng Ikalawang Distrito ng Rizal, nais kong pasalamatan ang pangulo sa kanyang paglagda sa Reapportionment Act na naglalayong hatiin ang ating distrito sa tatlong legislative districts. Bilang punong may-akda ng House Bill No. 6222, alam natin na malayo pa ang tatahakin nito patungo sa pagsagot sa mga isyu ng hindi pagkakapantay-pantay sa ilalim ng kasalukuyang set-up o kalagayan, at para tiyakin na sa nalalapit na hinaharap ay magkakaroon ng mas mahusay na access ang lahat ng Rizaleños sa mga resources ng gobyerno,” ani Nograles.

Ngayong pirmado na ni Duterte ang nasabing batas, ang bayan ng San Meteo ang magiging 3rd District habang ang Rodriguez (Montalban) ang ikaapat na distrito ng lalawigan.

Ang mga nabanggit na bayan ay nasa ilalim ng ikalawang distrito na kinakatawan ni Nograles sa Kamara subalit magkakaroon na ng hiwalay na distrito ang mga ito na malaking tulong umano sa mga Rizaleño para magkaroon ang mga ito ng karagdagang pondo.

Mananatili naman sa ikawalang distrito ang bayan ng Cardona, Baras, Tanay, Morong, Jalajala, Pililla at Teresa.

“Lubos ko pong ikinagagalak na ang ‘pet legislation’ na ipinangako natin sa mga Rizaleño ay matutupad na. At nangyari ito sa napakagandang tiyempo, sapagkat magbibigay ito ng sapat na oras para sa lahat ng kinauukulan na maghanda upang ang mga bagong pinuno ay mabigyan ng mandato na maglingkod sa halalan sa 2022,” ani Nograles.

Ayon sa Harvard-trained lawyer na si Nograles, dahil sa laki ng distrito at bilang ng mga taong nakatira sa ikalawang distrito, nagkaroon ng hadlang sa pagtugon sa pangangailangan ng mga tao lalo na sa panahon ng pandemya.

“It is a good challenge to be able to serve more than one million constituents. But it is a challenge that does not need to continue existing in the future, and I’m glad that the country’s leaders recognize the urgent need for more equitable distribution of resources as we try to recover from the pandemic,”ayon pa sa mambabatas.

Tiniyak nito na itutulak agad ang implementasyon ng reappointment law na ito sa lalong madaling panahon.

“Huwag pong mag-alala ang mga malilipat sa ibang distrito, hindi ko po kayo bibitawan. Sisiguruhin po natin na maaayos nating mailalatag at maisasakatuparan ang layunin ng batas na ito. Makatitiyak po kayo na ako’y inyong maaasahan sa lahat ng oras sa anomang kaparaanan, bahagi pa ng mensahe ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

463

Related posts

Leave a Comment