INIULAT ni Acting District Director ng Quezon City Police District (QCPD) PCol. Randy Glenn Silvio ang matagumpay na pagkaaresto sa isang alias “Mark,” 42-taong gulang, residente ng Brgy. Tandang Sora, Quezon City, sa kasong illegal possession of firearms sa isinagawang anti-criminality operation ng Talipapa Police Station (PS 3), sa pangangasiwa ni PLt. Col. Von DV Alejandrino.
Sinabi sa ulat, bandang alas-11:00 ng gabi noong Enero 18, 2026, nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng PS 3, sa isang eskinita sa Barangay Tandang Sora, nang mapansin nila ang isang lalaki na aktong sinusuri ang isang baril.
Agad nila itong nilapitan, at nang hingin ang mga legal na dokumento ng baril, nabigong ipakita ito ng suspek, dahilan ng kanyang agarang pagkaaresto.
Nakumpiska sa suspek ang isang caliber .22 revolver na may lamang live ammunitions.
Nabatid na ang suspek ay sumailalim na sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa R.A. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, sa isinagawang record check, lumabas na ang akusado ay may kasong paglabag P.D. 1602 noong 2016.
“Ang pagkaaresto sa suspek ay patunay ng patuloy at pinaigting na anti-criminality operations ng QCPD. Patuloy naming paiigtingin ang aming operasyon upang mahuli ang sinomang may dalang baril nang walang lisensya, at masiguro ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat QCitizen,” sabi ni PCol. Silvio.
(PAOLO SANTOS)
50
