NANAWAGAN si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo para sa responsable at makataong paggamit ng artificial intelligence o AI sa hudikatura habang nagpapatuloy ang digital transformation ng justice systems sa Southeast Asia.
Sa ASEAN Bar Leaders’ Summit 2026 na ginanap sa Mandaluyong City, sinabi ni Gesmundo na mahalaga ang pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang matiyak na hindi maisasakripisyo ang due process, judicial independence, at rule of law sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Ayon sa Punong Mahistrado, makatutulong ang AI sa pagpapabilis ng court processes, legal research, at case management ngunit hindi nito dapat palitan ang paghatol at pagsusuri ng mga hukom.
Binigyang-diin din ni Associate Justice Marvic Leonen na dapat manatiling nakasentro sa tao ang paggamit ng AI dahil instrumento lamang ang teknolohiya at hindi kapalit ng human judgment sa paghahatid ng hustisya.
Kabilang sa inilatag ng Korte Suprema ang eCourt PH system at AI Governance Framework bilang bahagi ng modernisasyon ng hudikatura upang maging mas mabilis, transparent, at accessible ang serbisyo ng mga korte.
Dinaluhan ang summit ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN bilang bahagi ng pagpapalakas ng legal cooperation at digital innovation sa rehiyon.
(JULIET PACOT)
63 