CAVITE – Patay ang isang rider makaraang araruhin ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isang 10-wheeler truck na may tractor head sa Imus City noong Lunes ng gabi.
Hindi na nadala pa sa ospital ang biktimang si Pedro Olaso Jr. ng Block 8, Lot 23, Brgy. Malagasang 2-A, Imus City, dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Kinilala naman ang driver ng Shacman Tractor Head na may plakang NCY 4414, na si Ardy De Andres, 36-anyos.
Ayon sa ulat ni Pat. Gerald San Miguel ng Imus City Police, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo galing north patungong south direction habang binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Palico 3, Imus City, dakong alas-9:00 noong Lunes ng gabi nang araruhin ang kanyang sasakyan ng 10-wheeler truck na minamaneho ni De Andres.
Bumagsak ang katawan ng biktima sa kalsada habang ang kanyang motorsiklo ay patuloy na umandar palayo sa lugar.
Agad namatay ang biktima sa insidente dahil sa matinding pinsala sa ulo. (SIGFRED ADSUARA)
162 