DAVAO DEL SUR – Binawian ng buhay ang isang lalaki makaraang sumalpok sa isang Fuso aluminum wing van truck ang minamaneho niyang motorsiklo sa Davao-Cotabato national highway sa Brgy. Tagabuli, sa bayan ng Sta. Cruz sa lalawigang ito, alas-8:30 ng gabi noong Lunes sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Davao del Sur Police Provincial Office (DSPPO), kinilala ang biktimang si Ramil Absin Jr., 18, binata, residente ng Brgy. Bato sa nasabing bayan.
Habang kinilala naman ang driver ng truck na si Gilbert Dano, 56, may asawa at residente sa Monkayo, Davao de Oro.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, biglang lumiko pakaliwa ang biktima na hindi napansin ng driver ng truck na nasa innermost lane.
Bunsod nito, nasalpok ng truck ang motorsiklo ng biktima na agad ikinamatay ng huli.
Nasa kustodiya na ng Sta. Cruz Municipal Station sa Davao del Sur ang driver ng truck. (DONDON DINOY)
181 