PINAG-AARALAN umano ng kampo ni House Infrastructure Committee lead chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon kung may nilabag sa kanyang privacy si Sen. Jinggoy Estrada matapos ilabas ng senador ang kanyang yearbook photo at address ng kanyang lola.
Ayon kay Ridon, inilabas umano ni Estrada ang yearbook picture upang palabasin na magkakilala sila ng dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, na nag-aral din sa parehong paaralan.
“I will ask kung mayroon ba siyang actual violation of my privacy dito dahil nilabas niya ang address ng lola ko,” pahayag ni Ridon.
Inamin ng kongresista na naging batchmate niya si Hernandez, subalit iginiit niyang hindi sila naging magkaklase o magkaibigan. Aniya, maling ipinalalabas ni Estrada na may koneksyon siya sa dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y binigyan ng 30% komisyon ni dating District Engineer Henry Alcantara mula sa P355-milyong flood control insertion sa Bulacan.
“I would admit that we’re batchmates, but he was never my classmate and he was never my friend. Nakakatawa na inuungkat ni Senator Estrada ang yearbook picture ko noong 12 years old ako para lang gumawa ng koneksyon kay Brice Hernandez. There’s no connection with him,” ani Ridon.
Giit pa ni Ridon, mas dapat ipaliwanag ni Estrada ang mga larawang nagpapakita kasama nito sina Alcantara at DPWH Undersecretary Robert Bernardo, na naging officer-in-charge noon sa City Engineering Office ng Maynila sa panahon ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada.
“Those pictures are more important to be explained not by me but by Senator Jinggoy Estrada,” dagdag pa ng kongresista.
Bago ang panayam, lumabas sa social media ang post ni Estrada na may tanong na “Safe kaya tayo sa kanila?” kasabay ng yearbook photo nina Ridon at Hernandez. Sagot naman dito ni Ridon: “Sexy 12 years old lang ako diyan. Nilabas mo pa ‘yung address ng bahay ng lola ko.”
(BERNARD TAGUINOD)
165 