TINATAYANG mahigit sa 3,000 matataas at maiiksing armas na nakumpiska mula sa iba’t ibang police operation, at pag-aari ng mga politiko at kandidato ngayong midterm election, ang iprinisenta sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna.
Kaugnay ito sa proyekto ng Police Regional Office CALABARZON (Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon) na F.E.E.L S.A.F.E.R. o Firearms and Explosives from Candidates/Supporters/Kins/Juridical for Safekeeping and Disposal, An Effort Leading to a Secure, Accurate and Fair Election in CALABARZON Region).
Sa kabuuan, tinatayang 3,138 na mga baril at mga armas ang iprinisenta kabilang dito ang kusang-loob na isinurender ng mga politiko at kandidato bilang pagtugon sa nasabing programa ngayong darating na midterm gayundin ang mga nakumpiska sa iba’t ibang law enforcement operation gaya ng checkpoint, search warrant, Oplan Bakal at Oplan Katok.
Pinakamarami sa bilang ng nagsurender ang lalawigan ng Batangas, sumunod ang Rizal, Quezon, Laguna at Cavite. (SIGFRED ADSUARA)
