PANAHON na para palobohin pa ang buwis sa e-cigarette o vape dahil maraming kabataan ang nalululong dito.
Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes, base sa 2019 Global Youth Tobacco Survey (GYTS) na nirelease noong 2021, 14.1 percent sa mga ‘school-aged children” ay gumagamit ng vape.
Nangangamba ang mambabatas na nadagdagan pa ang bilang ng mga kabataang nalulong sa vape sa nakalipas na tatlong taon dahil dumami rin ang mga nagtitinda nito.
“It is very alarming that more and more Filipino youth are using vape and e-cigarettes. Increasing taxes on these products will not only raise funds for Universal Health Care but also dissuade its use especially among young people,” anang mambabatas.
Lumalabas din sa nasabing pag-aaral na nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na gumagamit ng vape.
Naniniwala ang mambabatas na kailangang taasan pa ang buwis ng bisyong ito upang mailayo, hindi lamang ang mga kabataan kundi lahat ng mga Pilipino.
Kailangan din aniyang paigtingin ng gobyerno ang kampanya laban sa paggamit ng vape dahil pinapalabas ng mga manufacturer at nagtitinda na mas ligtas ang vape kumpara sa sigarilyo kaya marami ang naeengganyo na gumamit nito.
Bukod dito, nalalabag din aniya ang itinatakda sa Republic Act 11900 o Vape Law na epektibo na noong July 2022, na hindi pwedeng bentahan ng vape ang 18-anyos pababa kung totoo ang pag-aaral na school-aged children ang nalululong sa nasabing bisyo.
(BERNARD TAGUINOD)
