HINDI makikialam si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban sa kanyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.
Ayon kay Castro, naninindigan ang Pangulo na ang anomang imbestigasyon ay dapat nakabatay sa ebidensya, anoman ang maaaring maging resulta o sinomang maapektuhan nito.
Nauna nang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malapit nang matapos ang fact-finding investigation ng kanilang tanggapan kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa flood control projects na iniuugnay kay Romualdez.
Ayon kay Remulla, halos handa na ang Ombudsman na magsampa ng kasong plunder, ngunit tinitiyak muna nitong kumpleto at matibay ang mga ebidensiya bago ihain ang kaso sa korte.
Samantala, iginiit ng kampo ni Romualdez na wala itong kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, walang nakitang pananagutan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) laban sa dating House Speaker kaugnay ng isyu.
Sinabi rin ni Fajardo na handa si Romualdez na harapin ang anomang reklamong ihahain ng Ombudsman at mananatili ito sa Pilipinas habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng Leyte.
Samantala, hinamon ni Castro ang mga kritiko ng Pangulo na maghain ng kaukulang reklamo kung mayroon silang sapat na ebidensya.
93 