Sa krisis sa presyo ng bigas ‘BIGAS 29’ KALUNOS-LUNOS NA REMEDYO NG BBM ADMIN

BINATIKOS ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang Malacañang at ang ‘Bigas 29’ ng Department of Agriculture (DA) bilang isa pa umanong miserableng pagtatangka na ibaba ang mataas na presyo ng bigas.

Ayon sa KMP simula sa susunod na buwan, ang DA at NFA sa pamamagitan ng kanilang mga tindahan ng KADIWA, ay magbebenta ng Bigas29 o tinatawag na “aging but good” stocks ng bigas sa halagang P29 kada kilo sa mahihirap at mahinang sektor.

Sinabi ng KMP na ang hakbang na ito ay higit na nagpapatibay sa kawalang-interes ng administrasyong Marcos Jr. sa paghihirap ng mga mamimili na apektado ng mataas na presyo ng bigas at mga magsasaka ng bigas na naghahanap ng suporta ng gobyerno para sa lokal na industriya ng bigas.

Nabatid pa sa grupo ng magsasaka na higit na masama, ayon sa KMP, ang DA ay mag-aangkat ng humigit-kumulang 363,697 metric tons (MT) ng bigas upang mapunan ang mga lumang stock ng NFA rice para sa programang Bigas29.

“Tanging rice importers at rice traders ang makikinabang sa Bigas29 — isang repackaged rice importation program ng rehimeng Marcos Jr.”

“Wala talagang interes ang DA at gobyernong Marcos na resolbahin ang krisis ng mataas na presyo ng bigas. Ganito rin ang ginawa dati sa bukbok rice na gusto ng DA na ibenta at ipakain sa masa. Lumang bigas na nakaimbak sa mga NFA warehouse ang ibebenta sa mahihirap sa P29 kada kilo, samantalang naisiwalat na ang ginawa ng NFA na nagbenta ng P25 kada kilo ng bigas sa mga traders,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos.

Sinabi ni Ramos na ang DA at Secretary Francis Tiu-Laurel ay mas masahol pa sa “pathetic” at “trying hard” sa pagbibigay ng hindi epektibong solusyon sa walang katapusang problema sa presyo ng bigas.

Isang kagyat na hamon ang KMP sa mga opisyal ng Tiu-Laurel at DA na lutuin at kainin sa publiko itong Bigas29. “Ang tanong namin kay Pangulong Marcos Jr., DA Sec Tiu-Laurel at iba pang opisyal ng gobyerno, ito bang Bigas 29 ay handa nilang kainin at ipakain sa kanilang mga pamilya?,” tanong ni Ramos.

Muling iginiit ng KMP ang pagbasura sa Rice Liberalization Law o RA 11203. Magpoprotesta ang grupo ng mga magsasaka sa mga susunod na araw at linggo laban sa patuloy na krisis sa industriya ng bigas at sektor ng agrikultura. (PAOLO SANTOS)

265

Related posts

Leave a Comment