Sa nalalabing panahon ng termino DROGA, KORAPSYON HAMON PA RIN KAY DUTERTE

(CHRISTIAN DALE)

WALANG nabago at nananatili ang adbokasiya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kabila ng papalapit na ang pagtatapos ng termino nito sa susunod na taon.

“It hasn’t changed,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Aniya, nananatili ang adbokasiya ng Chief Executive pagdating sa kampanya nito laban sa korapsyon at ipinagbabawal na gamot.

Noong nakaraang taon ay nadagdagan ito na tiyakin na mabakunahan ang lahat ng Filipino laban sa COVID-19.

Nanumpa bilang pangulo noong Hunyo 30, 2016, nagsimula nang tuparin ng pangulo ang kanyang pangako na tuldukan ang problema sa ilegal na droga sa loob ng tatlong buwan.

Dumating pa sa punto na pinalawig niya ito ng hanggang anim na buwan hanggang sa maging tatlong taon dahil “miscalculated” aniya ang problema.

Sa kalaunan ay nangako naman ang pangulo ng drug-free community para sa mga Filipino bago matapos ang kanyang termino.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Punong Ehekutibo ang publiko na magpabakuna laban sa COVID-19 habang ang bansa ay patuloy na gumagawa ng iba pang pamamaraan para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kamakailan ay nagbanta pa ang pangulo na ipaaaresto ang mga tatanggi na magpabakuna.

Kaagad namang nagpaliwanag si Sec. Roque na “expression” lamang ito ng pangulo dahil dismayado ito sa gitna ng health crisis.

Samantala, sinabi ng Malakanyang na walang plano ang pangulo na i-extend ang kanyang presidency.

Iyon nga lamang, hindi pa siya pormal na nag-aanunsyo ng kanyang mga plano sa 2022 polls, kung saan ay hinikayat siya ng kanyang partymates na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo.

147

Related posts

Leave a Comment