IHAHATID na ngayong araw (Sabado), sa kanyang huling hantungan si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon sa mga ulat, ililibing ang dating pangulo sa tabi ng puntod ng kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Manila Memorial Park.
Kahapon, dinala sa Ateneo de Manila University ang urn na naglalaman ng mga abo ng dating pangulo matapos ang magdamag na lamay sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Magugunita na pumanaw ang 61-anyos na dating pangulo noong Huwebes ng umaga dahil sa renal failure secondary to diabetes.
Sa Kamara ay isang resolusyon ang inihain ng mga mambabatas sa pangunguna ni Deputy Speaker Mujiv Hataman para sa pagkilala at pakikidalamhati sa pagpanaw ng dating pangulo.
Inisa-isa ang mga nagawa ni Aquino bilang pangulo ng bansa mula 2010 hanggang 2016 kabilang na ang kasong isinampa laban sa China dahil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) na ipinanalo ng bansa.
“Whereas, during his six-year presidency, President Aquino advocated flagship government programs such as the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Bottom-up Budgeting Process, and universal health care services that benefited millions of Filipinos,” ayon sa resolusyon.
“THEREFORE, BE IT RESOLVED AS IT IS HEREBY RESOLVED that the House of Representatives expresses profound sympathy and sincerest condolences on the death of President Benigno Simeon Cojuangco Aquino III,” dagdag pa ng resolusyon.
Military honor
Samantala, kapwa nagbigay-pugay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa yumaong dating Pangulong Aquino.
Kahapon ginawaran ng AFP ng traditional gun salute ang dating presidente at commander-in-chief sa lahat military camps.
“We give our Former President and Commander-in-Chief our snappiest salute and our pledge to continue to perform our mandate. The banner of his legacy will continue to fly on the hallowed grounds of our camps anywhere in the country,” pahayag ni AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana.
Una nang nagpahayag ng pakikiramay si DND Sec. Delfin Lorenzana sa pagpanaw ni Aquino at sinabing sa ilalim ng kanyang liderato ay napatupad ang AFP Modernization program.
Sa kabilang dako, taus-puso ring nakikiramay si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar kasama ang 220,000 strong PNP personnel sa pagpanaw ng dating lider.
Ayon kay Eleazar, bilang kanilang dating commander-in-chief, malaki ang naibahagi ni Aquino sa pagpapatupad ng reporma at pagpapalakas sa operational capability ng PNP upang lalo pang mapaganda ang pagbibigay serbisyo sa sambayanan at mapanatili ang peace and order sa bansa. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)
144 