BINIGYANG-DIIN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon at emosyonal na suporta habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Suicide Prevention Month ngayong Setyembre.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita ng ahensya, mahalagang may mapagkakatiwalaang taong maaaring makausap ang mga nakararanas ng mabibigat na problema.
“Hindi maipagkakaila na maraming Pilipino ngayon ang nakararanas ng anxiety, depression, o iba pang mental health issues dahil sa matinding problema. Tulad ng laging sinasabi ni Secretary Rex Gatchalian, minsan kailangan lang nating mapagkakatiwalaan at makakausap para gumaan ang ating pasanin, at maliwanagan sa kung ano ang dapat nating gawin,” ani Dumlao nitong Huwebes, Setyembre 3.
Sinabi ni Dumlao na patuloy na nagpapatupad ang DSWD ng mga programa upang magbigay ng accessible na suporta sa publiko at palakasin ang mensaheng hindi solusyon ang pagpapakamatay sa mga pinagdaraanan.
Batay sa datos na inilathala ng World Health Organization (WHO) noong Agosto 28, mahigit 720,000 katao sa buong mundo ang namamatay dahil sa pagpapakamatay bawat taon.
Sa Metro Manila, nakapagtala naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 111 kaso ng pagpapakamatay sa unang tatlong buwan ng 2026, mas mataas kumpara sa 33 kaso sa parehong panahon noong 2025.
Sinabi ni Dumlao na nananatiling bukas ang DSWD at ang mga field office nito sa mga nangangailangan ng gabay, tulong o makakausap.
“Bukas po ang DSWD, ang ating mga field offices, at ating mga social media pages para po sa mga naghahanap ng makakausap o nagnanais ng payo. Ang ating mga social worker ay nakahanda rin anumang oras para tumugon at malapit sa inyo ang iba pang programa ng DSWD na makatutulong upang makaalis kayo sa inyong krisis na pinagdadaanan,” ani Dumlao.
Bilang bahagi ng mental health initiatives nito, ipinakilala rin ng DSWD ang Tara, Usap!, isang inisyatibang isinama sa umiiral na Tara, Basa! Programa upang magbigay ng ligtas at suportadong espasyo para sa mga kabataan na makapagbahagi ng karanasan, makapagpahayag ng sarili at mapalakas ang kanilang well-being.
Nasa pilot implementation na ang Tara, Usap! sa Valenzuela City, na pinangungunahan ng mga youth beneficiary na nagsilbi ring Tutors at Youth Development Workers (YDWs) sa 20-day Tara, Basa! sessions.
Ayon kay Dumlao, napapanahon ang programa dahil hinihikayat nito ang mga kabataan na maging mas bukas sa pakikipag-usap at pagbabahagi ng kanilang pinagdaraanan.
Ang Tara, Usap! ay nagsisilbi ring mekanismo ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) na nakabatay sa paaralan at komunidad.
(PAOLO SANTOS)
67 