TULUYANG sumiklab ang word war sa pagitan nina House Majority Leader Sandro Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Unang umatake si Pulong matapos akusahan si Sandro na siya umanong pumili kay Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III bilang kapalit ng nagbitiw na si dating Speaker Martin Romualdez. Aniya, “cover-up” lang ang pagpapalit ng liderato sa Kamara.
Hindi nagpahuli ang batang Marcos na tumugon na: “Naku, baka style niya yun noong anak siya ng Pangulo. I can assure you, consultative kami with party leaders. Kung nagpakita sana siya sa trabaho at session, nakita niya yun. Pero siguro busy pa siyang hanapin kung saan napunta ang P51-B flood control funds sa distrito niya.”
Mabilis na kumontra si Pulong: “WALANG ghost projects dito! At hindi P51 billion kundi P49.8 billion, at lahat accounted for. DPWH Region XI already clarified that. Ang taumbayan ang naghahanap ng resibo, hindi ako. Kung tunay kang malinis, ipakita niyo rin transparency sa distrito niyo.”
Dagdag pa niya, dapat mas tutukan ni Sandro ang trillions na ninakaw umano ng tiyuhin niyang si dating Speaker Romualdez at ni Rep. Zaldy Co, imbes na siya ang tirahin.
Patutsada pa ni Pulong sa Marcos Jr. father-and-son tandem: “Kung tunay kang malinis, gentle-man, magpa-hair follicle drug test muna kayo ng daddy mo—huwag yung tago ha, gaya ng BFF mo sa Davao.”
(BERNARD TAGUINOD)
