GARAPAL ang Senado sa planong idismis ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nang hindi man lamang dinidinig ang articles of impeachment na tinanggap nila.
Paglalarawan ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos kumalat kahapon ang draft ng resolusyon ng Senado na layong idismis ang impeachment case laban kay Duterte sa gitna ng debate kung itutuloy o hindi ang pag-convene sa Impeachment court.
“Napakagarapal naman na gawin ‘yan ng Senado sa ngayon dahil alam naman natin ang panawagan, ang umiingay na panawagan ngayon ay put the vice president in trial,” ani Brosas sa ambush interview kahapon.
Hindi aniya dapat payagan ng taumbayan ang ginagawang ito ng mga senador para absuweltuhin si Duterte sa mga kasong isinampa laban sa kanya kahit hindi pa nakikita ang mga ebidensyang nakalap ng Kamara.
Unang sinabi ni incoming ML party-list Rep. Leila de Lima na si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang may akda ng nasabing resolusyon subalit walang nakasulat na pangalan dito at hindi pa naihahain dahil wala pang numero.
“Pag ganyan, parang ina-absolved na nila yung isa sa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno natin at hindi mapapanagot yun at yun ang nakakatakot na precedent. Actually walang precedent na ganito na dinadaan lang sa resolusyon yung pag-convene ng impeachment court,” ayon kay Brosas.
Ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, “nakakahiya bilang isang Pilipino na may ganito tayong senador na nag-aattempt na idismis na lang yung articles of impeachment na nakarating sa kanila”.
Ipinaliwanag ni Manuel na tungkulin ng bawat senador bilang Judge sa Impeachment Court na dinggin ang mga Impeachment case na nakahain sa kanila subalit lumalabas na ayaw nila itong gampanan ang trabahong ito.
“In the first place kung hindi pa sila handa kasi gusto pala nilang iprioritize ang political convenient and accommodation eh bakit nila kinuha yung posisyon (bilang senador),” patutsada ni Manuel.
Unconstitutional
“That is unconstitutional. They are violating their constitutional mandate”
Reaksyon naman ito ng isa sa 11 prosecution panel na si House committee on good government and public accountability chairman Rep. Joel Chua sa plano umano ng mga senador na idismiss ang Impeachment case laban kay Duterte.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag kasunod ng kumalat sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na “Senate Resolution” na nagsasaad ng “Resolution declaring the de facto dismissal of the impeachment case against Vice President Sara Zimmerman Duterte by operation of the 1987 Constitution”.
Sa ambush interview kay Chua kahapon sa Kamara, malinaw na nakasaad aniya sa Saligang Batas na ang trabaho ng Senado bilang Impeachment Court ay litisin ang impeachment case na isinampa sa isang impeachable official tulad ni Duterte.
“So hindi ko naiisip kung papaano idi-dismiss yan without first conducting the trial and that’s their constitutional mandate,” ayon pa kay Chua.
Ang kumalat na draft ng Senate Resolution ay lumalabas na hindi pa naihahain dahil wala pa itong numero at pangalan ng mga endorser na senador.
Subalit isa sa mga dahilan kung bakit kailangang idismis umano ang Impeachment case laban kay Duterte ay teknikalidad tulad ng hindi agad pag-endorso ng plenaryo ng Senado nang matanggap nila ang articles of impeachment noong Pebrero 5, 2025.
Kilos Protesta Lalarga
Samantala, magkakasa ang mga militanteng grupo ng malawakang kilos protesta kapag tuluyang pinatay ng mga senador ang impeachment case laban kay Duterte.
“Kung kinakailangang magkaroon ng rallies, kung kinakailangang magkaroon ng petitions, kung kinakailangang magsalita,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ay kanila umanong gagawin.
Sa katunayan, nagsanib puwersa na ang iba’t ibang grupo sa isang koalisyon para igiit na ituloy ang paglilitis kay Duterte na inakusahang lumustay sa kanyang confidential funds na umaabot sa P612.5 million noong 2023 lamang at iba pang kasalanan nito sa bayan.
“It is in the public’s interest to know the truth, and that truth can be brought to light if the Senate fulfills its duty. But the Senate’s delay shows how even existing safeguards against corruption can be rendered useless through negligence and incompetence of those entrusted to prosecute,” ayon pa kay Brosas.
Dahil dito, umapela si ACT Party-list Rep. France Castro sa taumbayan na patuloy na magbantay at tutulan ang pag-abandona ng mga senador sa kanilang tungkulin na panagutin ang mga public official na umabuso sa kapangyarihan tulad ni Duterte.
“Nananawagan ako sa ating lahat, bilang mga lingkod-bayan, na alalahanin nating narito tayo hindi para pagsilbihan ang sarili nating interes o ng ating mga kaalyado, kundi para itaguyod ang hustisya, transparency, at kapakanan ng ating mamamayan,” ani Castro.
‘Peke’
Kaugnay nito, naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi authentic o peke ang lumabas na Senate Resolution na nagsusulong ng pagbasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Pimentel na halata namang depektibo ang mga nakapaloob na dahilan sa pagpapabasura sa reklamo.
Pinuna rin ng senador ang binanggit na constitutional provision sa resolusyon na para sa kanya ay hindi accurate o hindi tama.
Ilan naman sa mga senador ang nagsabing hindi pa nila nakikita ang resolusyon.
Sinabi ni Senate President Francis Chiz Escudero na hanggang bago mag alas diyes kagabi walang naihain o naka-pending na ganitong resolusyon sa Senado.
Sinabi naman nina Senador Joel Villanueva at JV Ejercito na hindi nila nakikita ang resolution.
Kasabay nito, iginiit ni Ejercito na anoman ang kanyang paniniwala sa impeachment ay constitutional duty nila na aksyunan ang articles of impeachment.
(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
