SA hangarin pahupain ang pangamba ng publiko sa gitna ng mga ulat ng kabi-kabilang pagdukot at patayan, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na magpakalat ng mga pulis sa mga lansangan.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, hinihintay lamang niya ang report mula sa PNP para sa detalye at kumpirmasyon ng mga nabalitang pagkawala ng kababaihan, sabayang pagdukot at pamamaslang sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
“Ang importante talaga is we get the real figures. Mahirap kasi yung may lumalabas na kwentong hindi natin nave-verify,” pahayag ni Abalos sa ginanap na press briefing.
Ani Abalos, kontrolado ng pamahalaan ng sitwasyon, kasabay ng pagtitiyak na hindi nagpapabaya ang kagawaran.
“We are on top of this situation, we are trying our best sa lahat… Huwag kayong mag-alala dito. We will give you the real numbers here, pupuntahan ko at expect more police visibility,” ayon sa Kalihim.
Binigyang-diin ni Abalos na importante rin ang tulong ng mga opisyal ng barangay bilang ‘force multipliers’ sa kanilang mga nasasakupan.
Nang tanungin si Abalos kung kailangan bang itaas na sa alarma ang Metro Manila at iba pang lugar dahil sa mga nagaganap na krimen, sinabi niya na kailangan muna niyang makita ang report mula sa PNP.
“What is important is we get the numbers and let us hear it straight from the PNP,” ani Abalos.
Magugunitang nitong nakaraang linggo ay sunud-sunod ang mga napaulat na pagdukot at pagpatay sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Nitong Martes lamang, apat na katao ang natagpuang patay sa loob ng nakaparadang kotse sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal. Hanggang sa sinusulat ang balita, blangko pa rin ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.
Natagpuan namang patay ang 29-anyos na babae sa loob ng kanyang tahanan sa Malabon noong Lunes, at nadakip na ang suspek.
Noong nakaraang linggo naman, nakita sa video ang pagdukot sa isang lalaki sa gasoline station sa Batangas at kinalaunan ay nakitang patay sa lalawigan ng Quezon.
Dahil sa sunud-sunod na krimen ay kailangan na nating magdagdag ng mga pulis sa kalye pero hintayin muna natin ang report ng PNP.” (LILY REYES)
