SAMA-SAMANG PROTESTA KONTRA CHA-CHA KASADO

NAGPAHAYAG ng suporta ang Makabayan bloc solons sa protestang ikakasa sa darating na Miyerkoles laban sa economic Charter change na niraratsada sa Kamara.

“… suportado natin ang gaganapin sama-samang protesta ng iba’t ibang mga grupo sa darating ng March 20, last day of session, House of Representatives — 3 PM po ‘yan — para tutulan ang economic Charter change,” ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Inilarawan naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pagratsada ng Kamara sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 o economic Charter change na mistulang pagturing sa 1987 Constitution bilang notaryo lang.

Ang economic Cha-cha ay pinagtibay sa ikalawang pagbasa noong nakaraang linggo at nakatakdang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo.

“Yung RBH No.7, parang simpleng legislation lang ang ginawa. Ang pinag-uusapan dito ay pagbabago ng Saligang Batas na may malalang epekto sa ating ekonomiya pero notaryo lang ito kung ratsadahin sa Kongreso,” ani Brosas.

Magugunita na dalawang linggo lamang isinalang sa public hearing ang RBH No.7 o katumbas ng anim (6) na araw at agad itong isinalang sa plenaryo kung saan 6 na congressmen lamang ang nag-interpelate sa ikatlong linggo.

Sinabi ni Brosas na hindi dapat niratsada ang RBH 7 para magkaroon ng sapat na panahon na mabusisi ito nang husto.

Gayunpaman nanaig ang kagustuhan ng mas nakararaming miyembro ng Kamara kaya sisimulan ng anti-Cha-cha group partikular na ang Makabayan bloc ang education campaign upang ipaunawa sa publiko ang masamang epekto ng eco Cha-cha.

“Patuloy tayong mag-educate sa ating mga kababayan. Ipapakita natin ang magiging epekto nitong Economic Cha Cha at yung pag-liberalize ng ating ekonomiya sa mga dayuhan,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Isa pa aniya sa opsyon ng anti-Cha Cha group at kwestiyunin ang RBH 7 sa Korte Suprema lalo na’t wala sa Saligang Batas na puwedeng amyendahan sa labas ng Constituent Assembly (ConAss), Constitutional Convention (ConCon at Peoples Initiative (PI).

“Fourth mode ang ginamit nilang sistema,” ani Castro kaya ilegal aniya ito sa Saligang Batas.

(BERNARD TAGUINOD)

118

Related posts

Leave a Comment