TIWALA si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na mapipigilan na ang tumataas na kaso ng motorcycle theft sa bansa at madali na ring madadakip ang mga gagawa ng ganitong klaseng krimen bunsod ng nasabing hakbang.
Ito ay matapos lumagda sa isang kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa interconnectivity ng kani-kanilang mga information and communications technology (ICT) system.
Inihayag ni SILG Abalos, ang pagsasanib-pwersa ng PNP at LTO ay mahalaga, lalo na ngayong umabot na sa 30,000 kada taon ang mga kaso ng pagnanakaw ng mga motorsiklo sa buong bansa.
Paliwanag ng kalihim, dahil sa kasunduan ay mas mabilis na ngayong malalaman ng mga awtoridad kung nakaw o hindi ang isang motorsiklo, kaya naman mas mabilis na rin silang makagagawa ng tamang aksyon.
Hindi aniya tulad ng dati na inaabot ng ilang buwan bago maberepika ang record ng mga sasakyan.
Sa pamamagitan ng nasabing kasunduan, maaari nang i-verify at ma-access ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa ICT system ng LTO ang record ng mga motor na kasalukuyang iniimbestigahan o inilagay sa alarma.
Dagdag pa ni Abalos, magtatalaga ng pulis mula sa PNP-HPG sa LTO Command Center upang mas mapabilis ang pag-verify sa mga kinakailangang impormasyon tulad ng detalye ng certificate of registration at official receipt.
Kasama rin dito ang tala ng registration history ukol sa transfer of ownership at encumbrance; at iba pang kailangan sa imbestigasyon.
Samantala, papayagan ng PNP ang LTO na i-validate ang motor vehicle clearance certificate (MVCC) upang matiyak na ang ipinasa ng pagrerehistro ay hindi peke.
Ang nasabing balidasyon ay sa pamamagitan ng pag-upload ng mga MVCC sa LTO IT system.
Idinagdag pa ni Abalos, patuloy pa rin ang pagpapaigting ng pagtutulungan sa pagitan ng PNP at LTO sa pamamagitan nang pagbuo ng technical working group na inaasahang magpapatibay sa interconnectivity ng dalawang ahensya. (JESSE KABEL RUIZ)
