Sapul sa CCTV CAREGIVER KULONG SA PANANAKIT SA ALAGANG 91-ANYOS

DINAKIP ang isang 68-anyos na caregiver matapos makuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera na sinasaktan ang isang 91-anyos na lola sa Valenzuela City.

Arestado si Alicia Cervantes, 68, ng Meycauayan City, Bulacan.

Ayon sa anak ng biktima na si Rodolfo ng Valenzuela City, nakatanggap siya ng tawag mula sa kapatid na si Jean, na nagtatrabaho sa ibang bansa, at sinabi nito na nakita sa CCTV footage na sinasaktan ng suspek ang kanilang ina.

Ang naturang CCTV camera ay nakakabit sa bahay ng biktima sa Barangay Veinte Reales, Valenzuela City, at konektado sa cellphone ni Jean.

Nang suriin ni Rodolfo ang CCTV recordings, lumitaw na bumagsak ang kanyang ina sa sahig nang hilahin ng supek ang inuupuan nito.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng minor injuries ang biktima sa balikat at magkabilang braso.

Nahaharap ang suspek sa kasong slight physical injuries kaugnay ng Valenzuela City Ordinance na “Protection of Elderly Against Abuse.” (ALAIN AJERO)

184

Related posts

Leave a Comment