AABOT sa 22 volcanic earthquakes ang naitala sa panibagong pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes, Setyembre 29.
Sinabi ng Phivolcs na nananatiling nakataas sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon, habang malinaw ding namataan ang pagbuga ng usok mula sa bunganga nito.
Namataan din ang pamamaga o inflation ng bulkan, na sinabayan ng panandaliang pag-impis sa hilagang-silangan na bahagi nito.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng Bulkang Mayon dahil sa panganib na dulot ng posibleng aktibidad ng bulkan.
Nagbabala ang Phivolcs na maaaring magkaroon ng biglaang pagputok ng bulkan, pagguho ng bato at pag-agos ng lahar, lalo na kung magkakaroon ng matinding pag-ulan.
(PAOLO SANTOS)
62 