IBINASURA ng Korte Suprema ang petisyon ng isang guro na humihiling na kilalaning valid ang quorum ng 12 senador kaugnay ng usapin sa liderato ng Senado.
Sa En Banc session nitong Martes, inaksyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon ni John Barry Tayam at ibinasura ito dahil sa kawalan ng legal standing.
Ayon sa Korte Suprema, nabigong patunayan ni Tayam na siya ay direktang naapektuhan ng isyung kanyang inihain.
Sa kanyang Petition for Certiorari, hiniling ni Tayam na ideklarang sapat ang bilang na 12 senador bilang quorum sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026.
Layunin din aniya ng petisyon na mabigyan ng linaw ang ilang posisyon sa Senado na naapektuhan ng sigalot sa liderato, kabilang ang Senate President Pro Tempore at ang pamumuno sa Blue Ribbon Committee.
Gayunman, dahil sa kawalan ng legal standing, tuluyang ibinasura ng hukuman ang petisyon.
Sinabi naman ni Tayam na pag-aaralan pa niya ang mga susunod na legal na hakbang matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema.
(JULIET PACOT)
67 