PATAY ang isang security guard matapos pagbabarilin ng kanyang kabaro kasunod ng kanilang pagtatalo sa loob ng binabantayang establisimyento sa Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima sa alyas “Joebe,” tubong Agusan del Sur, na nasawi sa mga tama ng bala sa katawan. Ang suspek naman ay nakilalang si alyas “Wilson,” residente ng Brgy. Zapote 1, Bacoor City, na agad tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat, naganap ang pamamaril bandang alas-6:45 ng gabi sa Kali Marketing Trailer Truck Fabrication Private Company na matatagpuan sa Gen. Emilio Aguinaldo Highway, Brgy. Zapote 3.
Ayon sa mga saksi, nagtatalo ang dalawa bago marinig ang sunud-sunod na putok ng baril. Nakita umano ang suspek na tumakas patungong Zapote habang nakahandusay ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen.
(SIGFRED ADSUARA)
55 