SENADO AT KONGRESO, GANTIHAN SA IMBESTIGASYON?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

TILA gumanti ang Kongreso sa isinagawa nitong Tri-com (Committee on Public Accounts, Committee on Public Works and Committee on Good Governance) hearing kahapon.

Nito lang Lunes ay pinangalanan ng mag-asawang Discaya ang mga kongresistang humingi umano sa kanila ng mga padulas, kabilang na rito sila House Speaker Martin Romualdez at Cong. Zaldo Co.

Nakagugulat at nakagagalit ang mga binitawang pahayag ng mag-asawa, kung saan humihingi raw ng nasa 25% ang mga kongresista sa bawat proyektong aaprubahan nito.

Kahapon naman (Sept. 9,2025), sa pagdalo ni dating DPWH District Asst. Engineer Bryce Patrick Hernandez, pinangalanan naman niya sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva bilang mga senador na kumukuha umano ng 30% sa inilabas nitong pondo sa flood control project sa Bulacan.

Sinabi ni Hernandez na meron pang isa siyang papangalanan nang naaayon sa mga naaalala niyang katransaksyon. Kaya hiniling niyang ‘wag na siyang ibalik sa Senado kung saan siya nakakulong matapos siyang ma-contempt.

Sa patuloy na pag-usad ng imbestigasyon, unti-unti nang lumalabas ang baho nitong mga nahalal nating mga opisyal. Hindi natin sinasabing guilty na ang mga politiko na ito, pero dapat ay mapatunayan nilang hindi totoo ang mga akusasyon laban sa kanila.

Pero kung iisiping mabuti, sa kaliwa’t kanang bahang nararanasan natin sa bansa, partikular na sa probinsya ng Bulacan na kahit walang ulan ay may baha, nakagagalit na limpak-limpak na salapi pala ang napupunta sa bulsa ng mga buwaya.

Wala na nga yatang konsensya ang mga politikong ito na mas inuna pang kumamkam bago ayusin ang pangangailangan ng mga taong nagluklok sa kanila sa pwesto.

Hindi pa tapos ang imbestigasyon, at mas marami pang pangalan ang lalabas. Abangan natin kung sino pa ang mga sugapang papangalanan.

38

Related posts

Leave a Comment