GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
HUNYO na pero hindi pa rin nagsisimula ang impeachment trial kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Noong Pebrero pa inaprubahan ng Kamara ang articles of impeachment. Mahigit 200 na mambabatas ang bumoto para ito. Pero hanggang ngayon, wala pa ring aksyon mula sa Senado. Anong problema?
Sabi ni Senate President Chiz Escudero, inuuna raw nila ang mga panukalang batas na galing sa administrasyon. Kaya ang orihinal na schedule na Hunyo 2 ay inilipat sa Hunyo 11. Kailangan daw tapusin ang mga urgent na batas bago mag-break. Pero sa totoo lang, parang hindi makatwiran.
Hindi naman ako tutol sa pagpasa ng batas. Mahalaga talaga iyon. Pero kapag impeachment ang pinag-uusapan, hindi ito dapat basta isantabi. May malinaw na sinasabi ang Saligang Batas tungkol sa proseso. Kapag na-impeach sa Kamara, tungkulin ng Senado na umupo bilang impeachment court. Hindi ito parang regular na hearing na pwedeng i-move depende sa schedule ng mga senador.
Mismong si Senador Koko Pimentel ay nagulat sa biglaang pagbabago ng schedule. Nagtanong siya kung bakit walang malinaw na paliwanag. At tama lang naman ang tanong niya. Kasi kung simpleng rescheduling lang ito, bakit mukhang may itinatago?
Oo, alam ko na hindi pwedeng simulan ang trial habang naka-break ang Senado. Gets ko naman iyon. Pero ngayon na naka-session na sila, hindi ba dapat nagsimula na? Wala nang dahilan para ipagpaliban pa ito. Lalo na’t alam naman nating lahat kung gaano kabigat ang mga paratang.
Gaya ng misuse ng confidential funds. Parang may sariling budget ang Office of the Vice President na hindi dumaan sa tamang proseso. Tapos may paratang pa ng paglabag sa chain of command at panggigipit sa ibang opisyal. Hindi ito simpleng usapin. Malaking bagay ito sa tiwala ng publiko.
May mga nagsasabi na baka may pulitika sa likod ng delay. Malakas pa rin kasi ang pangalan ni Sara Duterte, lalo na sa mga rehiyon. At ang ama niya, si dating Pangulong Duterte, ay may loyal supporters pa rin. Kaya hindi malabong isipin na may pumipigil sa Senado na ituloy agad ang proseso.
Pero hindi dapat nakabase sa koneksyon ang hustisya. Hindi porket may pangalan ka o maraming supporters ay exempted ka na sa pananagutan. Lalo na kung ikaw ay nasa mataas na posisyon. Dapat mas mataas ang standard.
Para sa akin, kung walang kasalanan si VP Sara, mas mainam na umusad agad ang trial para malinis ang pangalan niya. Pero kung may basehan ang mga reklamo, dapat harapin niya ito. Hindi pwedeng patagalin nang patagalin hanggang mawalan ng saysay ang proseso.
Tayo na nga ang nagbabayad ng buwis. Tayo pa ang nagtitiyagang maghintay. Kapag ganito ang sistema, hindi talaga nakagugulat kung bakit marami ang dismayado. Gusto lang naman natin ng hustisya at respeto sa batas.
Ang Senado ay hindi dapat tagapagtanggol ng mga may kapangyarihan. Dapat sila ang nangunguna sa pagsigurong pantay ang trato sa lahat. Kung hindi nila kayang gampanan ang tungkulin nila, sino pa ang aasahan natin?
