KINUWESTIYON sa Korte Suprema ng isang high school teacher ang constitutionality ng Senate Resolution No. 44 na naglalayong protektahan ang mga Pilipino laban sa extrajudicial rendition.
Sa petisyong inihain nitong Martes, sinabi ni Barry Tayam na labag umano sa Konstitusyon ang Senate Resolution No. 44 at maaari itong magdulot ng “constitutional crisis.”
Ayon kay Tayam, malinaw umano sa Konstitusyon na maaari lamang magkaroon ng immunity sa pag-aresto si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung ang kasong kinahaharap nito ay may parusang mas mababa sa anim na taon.
“However, kapag ikaw ang nakasuhan dito sa [Republic Act No.] 9851, ang hatol ay reclusion temporal hanggang reclusion perpetua, meaning 12 years hanggang 40 years. So, dapat hindi siya pinapayagan ng ating mga senador kasi magkakaroon tayo ng constitutional crisis,” ani Tayam.
Hiniling din nito sa Korte Suprema na pagbawalan si dela Rosa na gamitin ang Senado bilang kanlungan laban sa posibleng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Kasama rin sa petisyon ang panawagang atasan ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) na tumulong sa pagsisilbi ng warrant alinsunod sa batas.
Hinamon din ni Tayam si dela Rosa na harapin ang mga kasong isinampa laban dito kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.
“Hindi po kayo masasabing inosente kung takbo kayo nang takbo o tago nang tago. Patunayan niyo po sa korte na wala kayong kasalanan. At the same time, di ba gusto mo nang makasama si Tatay Digong, eh di ito na ang pagkakataon mo, magkikita na kayo,” dagdag pa nito.
(JULIET PACOT)
92 