NAIKUWENTO ni Seth Fedelin ang naging pagsubok ng kanyang pamilya nang ma-stroke ang ama kamakailan.
Bilang panganay sa tatlong magkakapatid, ang aktor talaga ang nag-alaga sa mga kapatid habang nagbabantay sa ospital ang ina.
“Hindi nila alam, ang alam lang nila (mga kapatid) nasa ospital si Papa, nagpapa-check up lang. Halos kami magkatulong ng Mama ko no’n sa papa ko. Alam mo ’yung idol mo, nakikita mong hirap magsalita, bumangon, kailangan ng alalay. Kapag nakikita ko ‘yung Mama ko, siguro kung ibang nanay ‘to, baka sumuko na sa kanya. Tatlo pa kaming anak na nag-aaral. Kaya bilang kuya sa mga kapatid ko, pinapakita ko sa kanila na okay lang si Papa. Napagod lang, nasa ospital, nagpapagaling lang ‘yan,” pagdedetalye ni Seth.
Madalang nang makauwi ang aktor sa kanilang bahay sa Cavite dahil sa kabi-kabilang trabaho na ginagawa. Ayon kay Seth, talagang hinahanap-hanap niya ang pamilya na nakapapawi sa kanyang pagod.
“Hindi po ako sanay sa ganitong buhay. Kasi sixteen years nasa Cavite ako, kasama ko mga kapatid ko, gano’n ‘yung buhay namin. So no’ng pumasok na ako sa ganito, parang mas lalo akong natutong tumayo sa dalawa kong paa. Uuwi ka galing trabaho, tapos hinahanap mo si Mama, si Papa, mga kapatid ko. Kahit magpuyat ako ng isang linggo, ‘yon lang makita ko ‘pag uuwi ako ng bahay, okay na ako,” makahulugang pahayag ng binata.
Malaki ang naitutulong ni Seth sa pamilya dahil bukod sa pagpapaaral sa nakababatang mga kapatid ay mayroon na ring ilang naipundar ang aktor.
“’Yung papa ko nabilhan ko ng motor. Tapos ‘yung bahay ko, napaayos na ng konti. Mga kapatid ko, nabibigyan ng mga gamit nila. Tapos nakapagbibigay ako ng konting pera para sa mga magulang ko na dati naman hindi ko nakikita sa sarili ko na magagawa ko ‘yon,” nakangiting kwento ng aktor.
