ISANG atleta lamang ang maaaring makaintindi sa isang atleta. Hindi ang ilang lider ng sport.
Ito ang leksiyong naipahatid ng sikat na basketbolistang si Thirdy Ravena sa lahat ng atletang kapareho niya, kabilang ang boksingero at Olympic qualifier na si Eumir Marcial.
Kamakailan, ang tatlong beses na kampeon sa UAAP ay napaulat na nag-alok ng tulong sa Pilipinong dating world junior middleweight champion, na napaulat na may hidwaan sa Association of Boxing Alliances of the Philippines.
Ang problema ni Marcial at ng ABAP ay hinggil sa napipintong paglahok ng boksingero sa XXXII Games of the Olympiad na gaganapin sa Tokyo dalawang buwan mula ngayon.
Ang aksiyon ng dating Ateneo King Eagle ay taliwas sa mga pahayag ng mga opisyal ng asosasyon, sa pangunguna ng pangulo nitong si Ricky Vargas, na sapat ang suporta kay Marcial. Pinagbibintangan pa ang 25-anyos na Zamboangueño boxer na “mukhang pera.”
Natural na ipinagdamdam ito, hindi lamang ni Marcial at Ravena kundi ng iba pang mga atletang kapareho nila.
Nalaman ni Marcial, isang Airman sa Philippine Air Force, ang alok na tulong ng anak ni dating PBA rookie turned coach Bong Ravena, nang aniya’y kontakin siya ni Thirdy sa pamamagitan ng social media.
“Nakita ko yung post mo sa social media, gusto ko lang sana itanong kung pwede makatulong kahit maliit na halaga lang sa mga pangangailangan niyo,” ani Thirdy, na kamakailan lamang ay pumirma ng multi-year deal sa Japan-based San-En NeoPhoenix. “Gusto ko kayo manalo ng team niyo.”
Natural na ikinatuwa ito ng boksingerong hinuhulaang isa sa makapagdadala ng kauna-unahang gintong medalya sa bansa galing sa Olimpiyada.
“Nakatataba ng puso,” badya ni Eumir sa kolumnistang ito sa isang panayam kahapon sa telepono buhat Zamboanga.
“It’s really very heartwarming to hear an offer of support from a fellow athlete. Mabuti pa sila at nauunawaan nila ang nararamdaman ng atletang kumakatawan sa ating bansa sa iba’t ibang international competitions lalo na ang Olympic Games.
Suportang una niyang naramdaman sa miyembro ng Zamboanga basketball team ni businessman-sportsman Junie Navarro, ang may-ari ng gym na pinag-eensayuhan niya mula nang dumating siya mula U.S., kung saan siya nagtraining sa Wild Card Gym ni Hall of Fame trainer Freddie Roach.
Kung gaano ang paghanga at pasasalamat ni Marcial sa ginawa ni Ravena, ganoon naman ang ‘di niya pagkaunawa sa ginawi ni ABAP president Vargas na sa isang ulat ay pinagbintangan siyang mukhang pera.
“I really never expected Sir Ricky to say that. Akala ko isa siya sa mga taong mas makakaintindi sa aming mga atleta at makakaunawa sa mga sakripisyo naming mga atleta para makapagbigay ng karangalan sa bansa,” pahayag ni Eumir.
,”I know that you are aware that my top priority has always been to give pride and honor to our country and as well as to help my family,” dagdag ng three-time Southeast Asian Games gold medalist at former AIBA Youth champion.
Ipinagtapat ni Marcial na dapat sana’y nag-pro na siya noong 2018, ngunit mas prayoridad niya ang pagiging miyembro ng national boxing team.
Sinabi rin niya na tinanggihan niya ang dalawang alok sa kanyang lumaban sa dapat sana’y nakapagbigay sa kanya ng milyong pisong premyo,. “Yet, instead I prioritized my fight in the Asian Championships (in Dubai) even if I can’t earn as much because again, my top priority is to give honor to our country.”
“Now, how can you say that my love for giving honor to the country is not my utmost priority? When in fact, the very first day I joined the national team, that’s what I wanted for myself, for my family, and for my beloved country the Philippines,” sabi pa ni Marcial.
258 