CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MATAMLAY ba ang pasok ng ber month? O malamig ang pagtanggap? ‘Yung lamig na kulang sa sigla, hindi ‘yung lamig na katambal ng pasakalye sa kapaskuhan.
Naaagaw ata ng atensyon ng hindi magkamayaw na imbestigasyon at ingay ng kontrobersya ng maanomalyang flood control projects at iba pang alalahanin, ang atensyon ng publiko kaya tila walang chill ang pagpasok ng buwang ber.
Pero, ang tiyak, magiging talamak na naman ang online scam sa ganitong panahon.
Hala.
Kaya, nagpaalala at pinagdodoble-ingat ng PNP-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko sa iba’t ibang scam online at huwag basta-basta magtitiwala.
Tuwing ber months, dumarami ang mga nag-aalok ng online na mga hotel booking, bakasyon, travel and tours at mga accommodation.
Ayon sa PNP-ACG, mula Enero hanggang Agosto 28, 2025 ay nakapagtala na sila ng 1,334 na kaso ng online selling scam habang 330 naman ang kaso ng vishing, 110 ang kaso ng accommodation, travel and tour scam at 496 ang kaso ng investment at task scam.
Naku, bukod sa online scam, malamang dumami rin ang holdapan at iba pang gawain ng pambubudol.
Naalala ko tuloy ‘yung kwentong may mga nadenggoy ng mga pamaskong promo, discount at iba pang estratehiya at diskarte.
Ganyan naman kasi. Madaling makaakit ng malilinlang ang mga ganyang diskarte.
o0o
Pera ng bayan ang nakasalang kaya marapat lang na ibalik ang 2026 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa umano’y mga kuwestyunableng alokasyon nito.
May sabit? At nasilip ang iregularidad sa 2026 NEP.
Mabusisi ngayon ang mga mambabatas. Dapat lang.
Kailangang tiyakin nila na maayos na inilalaan ang pera. Ang pera ng taumbayan ay laan sa tamang programa.
Kung hahayaang umiral ang pagbubulag-bulagan ay, por diyos por santo, ipagkakanulo muli nila ang interes ng mamamayan.
Dapat ayusin at ituwid ang baluktot. Busisiin ang ultimo singko ng panukalang badyet.
o0o
Matunog na naman ang pangalang Janet Lim Napoles. Oo siya nga ang tinaguriang ‘Pork barrel scam’ queen.
Mala-deja vu sa gitna ng kasuklam-suklam na nakawan ng flood control project fund. Nakakulong pa rin si Napoles na convicted sa plunder dahil sa pag-mastermind ng Priority Development Assistance Fund Scam at iba pang mga reklamo.
Heto, ang kontrobersyal na bilyonaryang si Sarah Discaya ay tinatagurian naman ngayong ‘flood control queen’ dahil sa pamumunini ng kanyang mga kumpanya sa flood control projects mula 2016. Kakatwa nito ay tila silang mga contractor at nasa DPWH lang ang madidiin sa kaso. Mala-Napoles nga.
Ano naman kaya ang susunod na sisikat na ‘reyna’. Marami ang nagdadabog sa social media, nakapapagod na raw. Siyang tunay pero nahihinto ba? Hanggang reklamo lang tayo.
Hangga’t walang nakukulong na politiko at matataas na opisyal ng gobyerno ay hindi mawawala ang nakawan. Madaling maghanap ng mga taong willing maging sacrificial lamb kapalit ng sangkaterbang salapi.
Ang mga politiko? Naroon pa rin sa kanilang mga pwesto at nagpapasasa. Kailan magiging wais ang mga botante para matigil sa paghalal ng mga magnanakaw?
85 