ANG ISDA AY TALAGANG NAHUHULI SA BIBIG

RAPIDO ni PATRICK TULFO

IBINUKING ni Cezarah (Sarah) Discaya ang sarili sa isinagawang pagdinig sa Senado sa kontrobersyal na flood control project.

Sa pagtatanong kay Discaya, inamin niya na sa kanya ang 9 construction firms na sumali sa mga bidding ng Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sa imbestigasyon, lumabas na kaanak din ni Discaya ang tumatayong mga CEO ng 5 sa mga kumpanya, taliwas sa mga nauna nitong sinabi na isa lang ang kumpanyang hawak niya, ang Alpha & Omega Construction.

Malinaw na nagpayaman lang sa pwesto ang pamilya nitong si Discaya. Ang pagiging gahaman ang naglagay sa kanya sa kapahamakan. Habang ang pagiging mayabang naman nito ang nagbunyag sa kanya sa pamamagitan ng mga interview sa kanya nitong nakaraang eleksyon, nang maglakas-loob siyang kalabanin ang kasalukuyang alkalde ng Pasig City na si Mayor Vico Sotto.

Ibinunyag din ni Discaya ang kanyang koneksyon at relasyon sa mga Eusebio na dating mayor at dating katunggali ni Vico Sotto sa Pasig City. Sinabi nito sa Senado na kasosyo nito sa negosyo ang kanyang tiyuhin na si Eusebio.

‘Di na nakapagtataka na sa LGU nagsimula ang construction business nitong si Discaya dahil malakas pala ang kapit sa mga Eusebio.

Nang tanungin din ni Sen. Bato Dela Rosa kung kailan sila nagsimulang kumuha ng proyekto sa DPWH, isinambulat ni Discaya na taong 2016 sila nagsimula, panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na dahilan ng tila pagkatulala ng senador. Hindi siguro inaasahan ni Sen. Bato na aksidente niyang mabunyag ang katiwalian ng kanyang kaalyadong dating pangulo.

Dapat ay ‘wag tigilan ng Senado ang imbestigasyon sa issue ng sinasabing mga “ghost project” sa DPWH. Kailangang managot ang mga kumamkam sa kaban ng bayan at masampahan ng kaso. Masama na nga kumupit, ibig sabihin kumuha ng maliit, ano pa kung nanakawin mo ang lahat. Dahil malinaw na wala namang ginawang flood control project. Napunta lang ang pondo sa bulsa ng mga sakim.

64

Related posts

Leave a Comment