Sinita sa ‘no face mask’ CHINESE KUMASA SA SEKYU, KALABOSO

SWAK sa selda ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section, ang isang lasing na Chinese national nang maghamon ng suntukan at itulak ang security officer na sumita sa kaya dahil sa hindi pagsusuot ng face mask habang nasa lobby ng isang condominium tower sa Ermita, Manila, iniulat ng pulisya.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Revised Ordinance 8627 (requiring mandatory use of face mask) at Article 155 ng Revised Penal Code (alarm and scandal) ang suspek na si Ben Zhang Lin, pansamantalang nanunuluyan sa Unit 2119, Torre De Manila sa Taft Avenue, Ermita.

Base sa ulat ni P/Major Rommel Anicete, bandang alas-12:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa lobby ng nasabing condo tower.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, isang security guard ng Torre De Manila ang nakakita na pagala-gala ang suspek habang walang suot na face mask sa lobby.

Nilapitan umano nito ang lasing na dayuhan upang pagsabihan hinggil sa ipinaiiral na ordinansa ngunit itinulak nito ang sekyu at hinamon ng suntukan.

Nagsisigaw at nagwala umano ang suspek kaya humingi ng police assistance sa pulisya ang security guard na nagresulta sa pagkakaaresto sa dayuhan. (RENE CRISOSTOMO)

188

Related posts

Leave a Comment