EXEMPTION NG EMERGENCY DRIVERS SA MGA AKSIDENTE, HINDI LUBOS!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

VIRAL ngayon ang nangyaring pagsagi ng bumbero sa isang nakaparadang kotse nang magresponde ito sa nagaganap na sunog sa Makati noong nakaraang linggo.

Ayon sa report, kaliwa’t kanan ang parada ng mga sasakyan sa makipot na kalye ng Bangkal, Makati na naging dahilan upang masagi at matanggal ang side mirror ng itim na kotse.

Naniningil pa nga ng danyos itong may-ari ng kotse sa driver ng bumbero na ginagawa lamang ang kanyang trabaho.

Unang-una, mahigpit na ipinatutupad ng mga LGU (Local Government Unit) ang one-side parking sa lahat ng lungsod, at trabaho ng barangay na ipatupad ito. Malinaw na hindi ito naipatutupad sa mga kalye ng Bangkal, Makati.

Sa mga post ni MMDA Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) head Gabriel Go, mahigpit ang isinasagawa nilang clearing operations, karamihan sa mga nakukuhanan ng sasakyan at nakahambalang na mga gamit sa kalye ay mga galit pa.

Ayon nga sa post ni Go, ang nangyaring insidente sa Bangkal, Makati ang dahilan kung bakit mahigpit nilang ipinatutupad ang kanilang trabaho na linisin ang kalsada nang sa ganoon ay maging maluwag at walang abala sakaling may mangyaring sunog o anomang aksidente.

Kung mahigpit lamang na naipatutupad ang one-side parking sa Bangkal, hindi sana masasagi ang kotse at hindi sana made-delay ang bumbero sa pag-apula ng sunog.

Pero dapat maging malinaw rin sa emergency drivers tulad ng bumbero, ambulansya o mobile ng pulis, hindi sa lahat ng pagkakataong makasasanggi o makasasabit sila ng mga sasakyan ay abswelto sila sa asunto.

Ayon sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, tanging ang nagrerespondeng emergency vehicles lamang ang abswelto sa anomang pananagutan. Dapat nakabukas ang kanilang mga sirena upang magbigay ng babala na padaan ang kanilang mga sasakyan.

Pero kung ang mga driver ng mga emergency vehicle ay wala namang rerespondehan at nasangkot sila sa aksidente dahil sa kanilang kapabayaan at hindi maingat na pagmamaneho, ang mga ito ay maaaring kasuhan at matatanggal sa kanilang trabaho.

Tungkulin naman ng mga motorista na tumabi at magbigay daan sa mga padaang bumbero, ambulansya o police mobile. Sa nangyari sa Bangkal, malinaw na hindi nabigyan ng daan ang bumbero kaya nasagi ang kotse.

Walang pananagutan ang driver ng bumbero rito dahil malinaw ang nakasaad sa batas na sila ay exempted sa pananagutan dahil nagreresponde sila.

Common sense ang kulang sa ating mga kababayan. Kapag alam n’yong masikip na ang kalye at may nakaparada na sa kabilang side ng kalye, huwag na nating ipilit na iparada ang mga sasakyan natin. Maghanap tayo ng lugar na magiging safe ang ating sasakyan at siguraduhing hindi tao nakaaabala sa iba. Kaya nga may tinatawag na “kamote driver” kasi minsan ‘di natin ginagamit ang ating kokote.

Kawawa naman ang kamote, naidikit pa sa mga obob.

81

Related posts

Leave a Comment