ALINSUNOD sa direktiba nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at DILG Secretary Jonvic Remulla, palalakasin ang pagpapatupad ng batas at mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko.
Inatas ni PNP chief, PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., na palakasin ng Anti-Cybercrime Group (ACG) at mga regional police unit ang kanilang mga hakbang laban sa online scam, pag-hack ng mga account, cyber fraud, at iba pang mga modus.
Bilang pagtalima sa direktiba ng pangulo, pinaigting ng Pambansang Pulisya ang kampanya nito laban sa mga banta online kasunod ng malaking pagtaas sa bilang ng mga pamilyang Pilipino na naging biktima ng cybercrimes.
“Our ACG and concerned regional units have been intensifying cybercrime prevention, investigation, and public awareness efforts, particularly against online scams, account hacking, and other schemes targeting our communities,” ani PGen. Nartatez.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29 sa 1,200 adults nationwide, umabot sa walong porsyento noong Hunyo ang mga pamilyang Pilipinong naging biktima ng cybercrimes, mula sa 5.8 porsyento noong Marso.
Naitala ang pagtaas sa Metro Manila, Visayas at Mindanao. Bahagyang bumaba naman ang bilang sa Balance Luzon.
Samantala, iniutos ni Nartatez ang mas maigting na koordinasyon sa katuwang na mga ahensya at mas mabilis na pagtugon sa mga reklamo habang nagsisikap ang PNP na pigilan ang patuloy na paglaganap ng cybercrime.
(TOTO NABAJA)
90 