NAKAPLANO ang biyahe ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa France upang tutulan ang iniulat na asylum bid ng puganteng dating Ako-Bicol party-list Representative Zaldy Co.
Sa press briefing nitong Martes, Setyembre 15, kinumpirma ni Remulla na nasa France si Co at humihiling ng asylum.
Ayon kay Remulla, layunin niyang kumbinsihin ang mga awtoridad ng France na hindi dapat pagkalooban ng asylum si Co at sa halip ay ibalik ito sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
“Batay sa mga pinakahuling ulat, naroon pa rin siya (Zaldy Co) sa France. At humihiling siya ng asylum,” pahayag ni Remulla.
Nauna nang sinabi ng kalihim na bibiyahe siya sa France sa lalong madaling panahon upang tumulong sa pagsisikap na maiuwi si Co sa Pilipinas.
Nahaharap sa pag-aresto si Co dahil sa dalawang magkahiwalay na kaso kaugnay ng umano’y P7.44 bilyong kickback mula sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno noong 2022 hanggang 2025.
May isa rin siyang kinakaharap na kaso kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Nang tanungin tungkol sa petsa ng kanyang biyahe, sinabi ni Remulla na nakikipag-ugnayan na siya sa mga awtoridad ng France upang ayusin ang kanyang mga appointment at maaaring tumulak doon sa loob ng susunod na 10 araw.
“Kapag na-set ko na ang lahat ng appointments, ia-announce ko ito sa inyo at bibigyan ko kayo ng update,” ani Remulla.
Nilinaw naman ng kalihim na nagkataon lamang na magsasagawa rin ng biyahe sa France ang kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Gayunman, sinabi ni Remulla na magkaiba sila ng flight at may kanya-kanyang tungkulin ang magkapatid.
Idinagdag niyang hindi niya alam ang mga plano ng kanyang kapatid kaugnay ng pagpunta nito sa France.
(PAOLO SANTOS)
70 