On the Level ni JUNEX DORONIO
“PERSONAL effects.” Iyan ang deklarasyon. Pero nang buksan ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa NAIA ang kargamento, hindi damit, sapatos o ordinaryong gamit ang sumalubong sa kanila.
Shabu. Kush. Liquid methamphetamine. At hindi barya ang halaga. Umaabot sa tinatayang P199.7 milyon ang nakumpiskang illegal drugs.
Kung may contest sa pagiging malikhain sa pagtatago ng droga, mukhang dapat nang isama sa shortlist ang mga nagpadala ng shipment na ito.
Personal effects daw. Pero ang “personal” ay may kasamang 28,324 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P192.603 milyon at 4,746 gramo ng high-grade marijuana o kush na tinatayang P7.119 milyon.
May mga tuwalya at duvet pa na sinasabing may liquid methamphetamine. Hindi na ito simpleng smuggling attempt. Malaking negosyo ito.
At kung nakalusot ang ganitong klaseng kargamento, hindi na lamang Customs ang niloloko. Ang buong sambayanan ang inilalagay sa panganib.
Kaya dapat kilalanin ang mabilis na pagkilos ng Customs-NAIA sa pangunguna ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, kasama ang Special Duty Collector Dr. Siegfred “Yeye” L. Manaois at mga tauhan ng Paircargo Assessment Composite Division.
Dito natin nakikita kung bakit mahalaga ang X-ray inspection, intelligence profiling at aktuwal na physical examination.
Dahil kung umasa lamang sa papel at deklarasyon, baka ang “personal effects” ay tuluyang maging personal profit ng mga drug syndicate.
At ito ang mas malaking tanong: Ilang shipment pa ang sumusubok? Ilan ang nahaharang? At ilan ang posibleng nakakalusot?
Hindi natin kailangang mag-akusa nang walang ebidensiya. Pero hindi rin natin kailangang maging bulag sa reyalidad.
Paulit-ulit na may nasasabat na droga sa mga gateway ng bansa. Ibig sabihin, paulit-ulit ding may mga taong sumusubok na gawing transit point ang Pilipinas.
Kaya hindi sapat ang isang matagumpay na seizure. Kailangan tuloy-tuloy ang pagbabantay. Tuloy-tuloy ang intelligence gathering. Tuloy-tuloy ang paggamit ng teknolohiya.
At higit sa lahat, tuloy-tuloy ang paglilinis sa anomang puwang na maaaring pasukan ng mga sindikato.
Mabuti at na-flag ng X-ray Inspection Project ang shipment. Mabuti at nagkaroon ng Alert Order. Mabuti at isinagawa ang 100% physical examination.
Dahil kung hindi baka ang P199.7 milyong droga ay nasa kamay na ngayon ng mga taong walang pakialam kung ilang buhay ang masisira.
Kaya sa Customs at sa kanilang mga katuwang sa PDEA, CIIS, CAIDTF, ESS, XIP at NAIA-IADITG: Huwag kayong bibitaw!
Dahil ang bawat kahong nahaharang ay maaaring katumbas ng isang komunidad na nailigtas.
Ang bawat kilo ng shabu na nakukumpiska ay maaaring katumbas ng buhay na hindi nasira.
At bawat sindikatong nabibigo ay mensahe sa mga smuggler: Hindi tulog ang Customs.
Sa mga nagpadala ng “personal effects,” malinaw ang aral: Hindi lahat ng kahon ay nakalulusot.
At sa susunod na magdeklara kayo ng “personal effects,” siguraduhin ninyong personal effects talaga.
Dahil sa NAIA, may X-ray. May alert order. May inspeksyon. At may mga taong nakatingin.
Personal effects daw. P199.7 milyon pala ang laman. Sa ganitong klaseng modus, isang bagay lang ang dapat sabihin: Bistado kayo.
89 