TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon ng kalamidad, mahalaga ang isang pamahalaang mabilis makakita at tumugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Ito ang ipinakita ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa sa pamumuno ni Mayor Arlene Arcillas, nang mamahagi ito ng coco lumber sa mga barangay na naapektuhan ng pagbaha.
Kabilang sa nabigyan ang Barangay Aplaya, Caingin at Sinalhan na malapit sa baybayin ng lungsod.
Hindi lamang simpleng pamamahagi ng materyales ang hakbang na ito.
Gagamitin ang coco lumber bilang pansamantalang foot bridge upang magkaroon ng alternatibong daanan ang mga residenteng hirap makatawid dahil sa mataas na tubig.
Sa ganitong paraan, nabibigyan ng agarang solusyon ang isang praktikal at mahalagang problema ng komunidad.
Mahalaga ito lalo na para sa mga residenteng kailangang makapasok sa trabaho, makapaghanapbuhay o makapunta sa iba pang kinakailangang lugar. Ipinakikita rin nito na ang serbisyo-publiko ay hindi lamang nasusukat sa malalaking proyekto.
Minsan, ang isang simpleng materyales na naipamahagi sa tamang panahon ay malaking tulong na para sa isang pamilyang kailangang makauwi o makaalis nang ligtas.
Hindi rin pinababayaan ng lungsod ang pangmatagalang pangangailangan ng kabataan.
Sa ilalim ng College Educational Assistance Program, nakatanggap ng P5,000 kada semestre ang existing scholars mula sa ilang barangay bilang dagdag-suporta sa kanilang pag-aaral.
Ang tulong-pinansyal ay malaking bagay para sa mga estudyanteng patuloy na nagsisikap na makatapos ng kolehiyo.
Sa pamumuno ni Mayor Arcillas, kapansin-pansin ang pagtutok sa parehong agarang pangangailangan sa panahon ng sakuna at pangmatagalang puhunan sa edukasyon.
Masasabi na ang tunay na serbisyong makatao ay yaong nakikita sa aktuwal na pagtugon—may baha man na kailangang lampasan o pangarap na kailangang abutin ng mga kabataan.
80 