PROSESO NG SUSPENSYON NG KLASE, TRABAHO NILINAW NG NDRRMC AT OCD

IPINALIWANAG ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) ang proseso sa pagsususpinde ng klase at trabaho sa gitna ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng Southwest Monsoon o Habagat at mga nagdaang bagyo.

Kasunod ito ng sunod-sunod na deklarasyon ng work-from-home arrangements at alternative learning modalities para sa mga manggagawa at estudyante dahil sa epekto ng sama ng panahon.

Ayon sa OCD, ang desisyon sa suspensyon ng klase at trabaho ay nakabatay sa siyentipikong impormasyon, pagsusuri sa mga bantang panganib at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Nagsisimula umano ang proseso sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon gaya ng weather forecasts, volcano bulletins, earthquake information at risk assessments mula sa mga science agency gaya ng DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Ang mga naturang impormasyon ay tinatalakay sa Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meetings kasama ang mga ahensyang kabilang sa NDRRMC.

Dito sinusuri ang mga posibleng epekto at senaryong maaaring idulot ng bantang panganib.

Batay sa resulta ng risk assessment, naghahanda ang OCD, bilang implementing arm at secretariat ng NDRRMC, ng ulat at rekomendasyon hinggil sa kinakailangang suspensyon.

Isinasaalang-alang dito ang siyentipikong datos, antas ng panganib at mga posibleng senaryo.

Ang rekomendasyon ay isinusumite sa Tanggapan ng Pangulo para sa pag-apruba ng suspensyon, gayundin sa pagpapatupad ng alternative work arrangements sa mga tanggapan ng pamahalaan at alternative learning modalities sa ilalim ng superbisyon ng Department of Education (DepEd).

Samantala, maaari ring ipatupad ang pagkansela o suspensyon ng klase at/o trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa iba pang lugar batay sa desisyon ng kani-kanilang Local Chief Executive, alinsunod sa mga umiiral na batas, alituntunin at regulasyon.

Para naman sa pribadong sektor, ang suspensyon ng trabaho o pagpapatupad ng alternative work arrangements ay ipinauubaya sa pamunuan ng bawat kompanya.

Binigyang-diin ng OCD na ang desisyon sa suspensyon ng klase o trabaho ay resulta ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at nakabatay sa siyentipikong impormasyon, pagsusuri sa panganib at mga natukoy na senaryong maaaring idulot ng bantang panganib.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment