HINAMON ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na tuparin ang kanyang pangako na haharapin ang mga kasong inihain laban sa kanya kaugnay ng “war on drugs”.
“Dapat harapin ni Senator Bato itong kanyang mga kaso. Dapat niyang panindigan yung tapang niya dati na sinasabing haharapin niya ito,” ani Cendaña.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos kumalat ang ulat na posibleng dumulog sa korte ang kampo ni Dela Rosa upang pigilan ang arrest warrant na umano’y inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Kasama si Dela Rosa sa mga inaakusahang responsable sa libu-libong patayan sa ilalim ng kampanya kontra droga ng dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan siya ang tinaguriang chief implementer ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.
Noong Biyernes, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na naglabas na ng arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa. Samantala, sinabi naman ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na posibleng isunod si Sen. Bong Go sa unang bahagi ng 2026.
“Sa mga nagnakaw at umutang ng dugo at buhay ng libu-libo nating mga kababayan, na karamihan ay mahihirap, darating at darating ang paniningil ng katarungan,” dagdag pa ni Cendaña.
Samantala, umaasa si Kabataan party-list Rep. Renee Co na agad ipatutupad ang arrest warrant laban kay Dela Rosa at hindi rin ito poprotektahan ng Senado.
“Every day of delay is another day that victims and their families are denied closure. All those involved in the killings, from the highest officials to those who pulled the trigger, must be prosecuted and held accountable,” ayon kay Co.
(BERNARD TAGUINOD)
59
