MATAPOS makakuha ng permiso mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang Philippine Basketball Association (PBA) ay magbabalik para ipagdiwang ang ika-46 season nito apat na araw mula ngayon (Biyernes) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ito ang ikalawang beses na nabigyan ng pahintulot ang PBA na magbukas ng season sa gitna ng COVID-19 pandemic makaraan ang matagumpay na paglulunsad ng liga ng isang conference na bubble tournament sa Clark noong 2020.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, malaking utang na loob ito ng PBA at ng milyong tagasunod nito sa tulong ng ilang opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Sen. Bong Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, Sec. Vince Dizon, MMDA chairman Benhur Abalos, MMDA general manager Jojo Garcia, DFA Usec. Dodo Dulay, Gov. Junjun Ynares, Mayor Vico Sotto ng Pasig at GAB chair Baham Mitra, sa sumuporta sa negosasyon sa IATF-EID.
Gaya ng orihinal na plano, sa halip na isang torneo lamang ang idaraos gaya noong 2020, dalawang conference ang gaganapin ngayong taon – Philippine Cup kung saan ang Barangay Ginebra Kings ang nagtatanggol na kampeon, at Reinforced Cup.
Sinabi ni Marcial na isang animo “paputok” na triple-header ang itatampok sa pang-unang programa sa Biyernes simula 12:30 ng hapon pagkatapos ng seremonya sa pagbubukas ng tabing sa alas-11 ng umaga kung kailan idedeklara ni PBA Chair Ricky Vargas ang pagbubukas ng bagong season. Ang lahat ng laro sa All-Filipino ay gaganapin sa triple header format tuwing Miyerkoles, Biyernes, Sabado at Linggo hanggang sa inagurasyon ng pilot 3×3 sa Agosto.
“Fans, however, will not be allowed in the venue, meaning it’s a largely TV-only event just like the Season 45 Bubble PhilCup Conference,” paliwanag ni Marcial.
Kahit na hindi pahihintulutan ang fans sa loob ng venue, umaasa si Kume Willie na magiging kapanapanabik ang season na kakikitaan ng malaking grupo ng rookies gaya ni top draft Joshua Munzon ng Terrafirma. Ang iba pang mga bagong mukha ay sina Jaime Malonzo, Calvin Oftana, Santi Santillan, Larry Muyang, Alvin Pasaol, Jerrick Ahanmisi, Brian Enriquez, Josh Torralba, Aljun Melecio, Anton Asistio, Andrei Caracut at Andre Paras.
Ang lahat ng 12 koponan ay dalawang buwan nang nagpapraktis sa labas ng NCR Plus. “Even two weeks ago, ready na silang bumalik sa laro. Pero ngayon, gusto muna sana nila ng tuneup matches even outside NCR before July 16. Liliwanagin natin iyan with the IATF,” wika ni Kume.
Ang Philippine Cup ay isang single-round-robin elimination format, kung saan ang walong mangungunang koponan ay aabante sa playoff.
Ang no. 1 at no. 2 teams sa quarterfinals ay magkakaroon ng twice-to-beat na bentahe laban sa no. 8 at no. 7 squads. Maghaharap naman ang no. 3 at no. 6 seeds, samantalang ang no. 4 ay kakalabanin ang no. 5 sa best-of-three series.
Matapos ito, ang top four teams ay papasok sa best-of-seven semifinals. Ang dalawang team na makalulusot sa semis ang magtutuos para sa kampeonato sa kaparehong best-of-seven finals.
Inaasahang matatapos ang buong season sa Enero 2022.
193 