WALANG tiwala ang dalawang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magkakaroon ng resulta ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects dahil sa halip na iatas sa Commission on Audit (COA) ang inatasan ay ang Department of Public Works and Highway (DPWH) ang pinatrabaho ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“The DPWH cannot be trusted to investigate itself when it is neck-deep in these anomalies. This is like asking the fox to guard the henhouse,” pahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio kahapon.
Magugunita na sa kanyang State of the Nation Address (SONA), inatasan ni Marcos ang DPWH na imbestigahan ang lahat ng flood control projects sa nakaraang tatlong taon upang mapanagot ang mga nagnanakaw sa pondo ng nasabing proyekto kaya hindi nareresolba ang matinding pagbaha.
Gayunpaman, sinabi ni Tino na talagang nais ni Marcos na may mapanagot sa anomalya sa mga flood control projects ay hindi dapat ang DPWH ang magsagawa ng audit kundi ang COA upang masiguro na magkaroon ng kapani-paniwalang resulta at may mapanagot.
“Ang DPWH ay kasama sa problema, hindi bahagi ng solusyon. Paano nila i-audit ang sarili nilang kapalpakan? It would be a whitewash, pure and simple,” ayon naman kay Assistant Minority Leader at Kabataan Rep. Renee Louise Co.
Subalit sa kabila nito, umapela ang dalawang mambabatas sa COA na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa lahat ng flood control projects tulad ng ginawa umano ng mga ito sa pork barrel scam sa nakaraan at maging sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sa 2023 AAR o annual audit report ng COA sa DPWH, 3,047 na may pondong P131.7 billion ang nadelay at hindi naipatupad dahil sa kakulangan ng plano, detailed engineering, supervision at monitoring.
Umaabot din umano sa 17 foreign-assisted project) na P84.4 billion ang halaga ang hindi naimplementa habang umaabot umano sa P5.7 billion halaga ng proyekto ang hinihinalang ghost projects subalit walang ginawang pagbabago ang ahensya.
“Hindi pwedeng magpatuloy ang culture of impunity sa DPWH. The people deserve answers, and only an independent body like COA can provide them,” ayon pa kay Co.
(BERNARD TAGUINOD)
254 