TROPA

IBANG KLASE ang takbo ng kukute ng mga kabataan ngayon. Marahas. Butata ang panahon namin. Marami rin ang gagong kabataan noong aming henerasyon. Pero hindi naging uso sa aming hanay ang maging bayolente. May pailan-ilan lang. Kapag bad trip sa kung anoman ang tinirang droga. Wala namang may isipang war freak kapag damo ang hinithit. Peace man lang. Music trip na may hawak na ice-cold bottle of beer habang lumilipad ang diwang malaya doon sa malawak at de-kulay na imahinasyon. ‘Yan ay kung free time lang o panahong walang pasok sa school. Kapag Lunes hanggang Biyernes na kailangan ang presensya sa loob ng eskuwelahan, obligadong maging matino. Dahil kung hindi… sapok, tadyak, at palo ang dadapo mula sa nagmumurang magulang o kapatid na panganay lalo na kapag ipinatawag pa sila ng guidance counselor. Pagkalabas sa eskuwela, tatambay lang muna sa paboritong spot (wala pang shopping mall noon sa probinsya na paglalamiyerdahan) o kaya naman ay magpapatak-patak para makalikom ng pang-toma kasabay ng kantahan sa saliw ng gitara. Soya na ang lahat.

##########

Ngayon? Laganap ang mararahas na insidente sa mismong loob ng school. Luzon, Visayas, at Mindanao. May mababalita na lang na isang estudyanteng de-baril na rumatrat sa ilang kapwa mag-aaral sa mismong loob ng eskwelahan. Patay ang mga tinarget. Todas pati na rin ang namaril. O kaya naman ay may inararo ng saksak na estudyante, dedo rin. Pangkaraniwan na ang gulpihan ngayon sa loob ng campus na ultimong titser ay pinagtutulungang bugbugin ng kanyang mga tinuturuan. At dahil halos lahat ay may celpon na nakakabit sa Internet, may live video pa ng kanilang kagaguhan na ikakalat sa Facebook. Pati ang school principal o sinomang awtoridad ay pinadadalhan ng text o chat message ng pananakot. Nagbababala na may sasabog na bomba sa loob ng campus. Na may estudyanteng basta na lang magpapaputok ng baril at bahala na kung sino ang tatamaan.

##########

Kapag may ganitong eksena, awtomatik na ihihinto ang klase dahil nagkakagulo. Marami ang natatakot na bata gayundin ang mga titser. Magdadatingan ang mga pulis na mag-iimbestiga. May ilang nahuhuli pero marami ang patuloy na nasa tabi-tabi lang dahil mahirap ding tuntunin kung sino ang nagpadala ng mensahe ng pananakot. Bagama’t hindi malayong ang gumawa ng pagbabanta ay mga estudyante rin na gusto lang manggulo para walang klase o hindi naman kaya ay tulak ng pansariling motibasyon na makaramdam ng pagmamalaki sa sarili dahil lumikha ng malaking isyu ang ginawa niya. Trip lang.

##########

Bakit nagigiging marahas ang utak ng kabataan ngayon? Hindi naman natin sila nilalahat pero may sapat na kakayahan ang kanilang ginagawang gulo upang umani ito ng atensyon sa publiko pati na rin ang mga awtoridad sa gubyerno. Anong dahilan? Sino ang dapat sisihin? Marami ang binubuntunan ng sisi. Pangunahin ang impluwensya raw ng social media at mga bayolenteng video games sa Internet. Mababaw ito sa akin. Naglaro at hanggang ngayon ay naglalaro ng video games kahit na ‘yung kabilang sa violent games, ang uniko iho ko, 39 na siya ngayon. Pero kahit siya at ang kanyang mga katropa ay nagsasabing walang impluwensya sa kanilang mentalidad ang kanilang nilalaro. Libangan lang at palipasan ng oras. Pagkatapos maglaro at maglibang, balik na naman sa kanilang trabaho na bahagi ng kanilang responsibilidad sa pamilya.

##########

Ngunit iisa ang aming kolektibong obserbasyon – marami ang nalululong na bata sa Facebook at iba pang katulad nito sa Internet. Putsa! Totoy at nene pa lang ay may sarili nang Facebook account! Pagkagising sa umaga hanggang sa matulog ay hawak pa rin ang cellphone! Adik na! Kaya naman isa ang Pilipinas sa buong mundo na mga sugapa sa Facebook ang mga mamamayan. Tinatayang nasa 95 milyon – bata at matanda – ang meron nito sa buong bansa. Ang resulta – sari-saring kagaguhan ang napupulot. Kaya sa gitna ng mga nagaganap ngayon, nararapat sigurong ipagbawal na nang mga awtoridad ang Facebook sa sinoman na wala pang 13 o 16 taong gulang. Facebook lang ang limitahan at hindi ang access sa Internet dahil mahalaga rin ang kontribusyon ng makabagong teknolohiya sa pagpapaunlad ng isipan at modernisasyon ng bansa.

##########

Sa mga nagaganap ngayon sa ating mga paaralan at namamayaning negatibong mentalidad sa maraming kabataan, malinaw na may pagkukulang ang mga magulang. Tayo ang nasa unahang hanay sa paghuhubog ng ugali at karakter ng ating mga anak simula nang isilang ang mga ito. Kung ano sila ngayon, repleksyon ito ng ginawa nating pagpapalaki sa kanila. Bagama’t may ambag din ang kanilang paligid lalo na ang paaralan sa paghuhulma ng kaisipan ng mga bata. Subalit limitado lang ito sa pagtuturo ng karunungan. May limitasyon ang batas sa kung ano lang ang puwedeng gawin ng titser sa kanilang estudyante. Kaya bilang magulang din, tutukan natin ang 24 oras ng ating mga bata. Kumustahin natin sila. Alamin ang kanilang mga aktibidades. Sino-sino ang kanilang mga nakakasama. Hindi sa layuning higpitan sila, manapa’y ituro sa kanila ang mga nararapat gawin bilang responsableng anak. Na tayo, bilang tatay at nanay, ang kanilang matapat na tropa na kasama nila sa pagharap sa hamon ng buhay.

189

Related posts

Leave a Comment